HIRAP na hirap akong manood sa pagdinig ng Senado noong nakaraang linggo sa isyu ng ulat ng World Bank ukol sa kutsabahan sa pagsubasta ng mga proyektong pinopondohan nito. Sa simula pa lang, nakita ko na ang magiging tono at takbo ng imbestigasyon, na pinamunuan ni Sen. Miriam Santiago. Alam naman ng lahat na administrasyong senador si Santiago, pero marami pa rin ang naniniwalang may sarili siyang pasya pagdating sa ganitong isyu ng katiwalian. Nagkamali na siguro silang lahat.
Unang binigyan ng oras ang doktor ni First Gentleman Mike Arroyo, para ipaliwanag kung bakit hindi puwedeng dumalo sa Senado. Pinaliwanag ang mga puwedeng gawin nang matinding stress sa kanyang pasyente. Matinding stress daw kasi ang matanong ng mga senador, na makakapeligro sa buhay niya. Pero puwede naman daw mag-golf! Tinanggap ni Santiago ang lahat ng paliwanag ng doktor, at pinayagang makaalis pagkatapos ng kanyang paliwanag. Sa mata ni Santiago, absuwelto na si FG.
Nagpatuloy naman sa isang power point presentation, para maayos daw ang maging takbo ng imbestigasyon. At dito na lumabas ang tunay na pakay ni Santiago. Matinding batikos at hamon ang inabot ng World Bank, mga opisyal nito, pati na ang Amerika, ukol sa ulat! Paano daw makapag-iimbestiga ang Senado kung ayaw silang bigyan ng kopya ng WB! At dito nakahanap ng kakampi si Ombudsman Merceditas Gutierrez, na halos inulit lang lahat ang sinabi ni Santiago!
Kitang-kita sa mukha ni Gutierrez ang galit. Sa bagay kahit nakangiti siya parang galit pa rin. Kesyo wala raw testigo, walang tumutulong para makapag-imbestiga mula sa World Bank. Pero hindi ba iyon nga ang trabaho ng Ombudsman? Ang tungkulin ng WB ay magbigay lang ng dahilan para makapag-imbestiga ang tamang ahensiya ng bansang kinauukulan! Wala silang kapangyarihan para mag-imbestiga. Kaya nga ibinigay ang ulat sa dalawang ahensiya na makakasulong ng imbestigasyon. Ika nga, nabigyan na nga sila ng ulam, gusto pati kanin at inumin ibigay na rin! Nagkalutuan na sa Senado!
At nang dumating ang panahon na ang mga Senador na-man ang magtatanong kina Sec. Gary Teves at Gutierrez, sinita ni Santiago kung puwede bilisan lang! Noong siya ang nagsa salita, wala namang nagmamadali sa kanya, pero kapag mga gustong magtanong na, hindi na niya pinaporma katu- lad ni Senator Biazon! At nung medyo pumapalag ang dating heneral, kinastigo na ni Santia-go na hindi dapat hinahamon ang otoridad niya bilang Chairman ng komiteng iyon. Tapos ang boksing!
Kaya siguro umalis na lang sina Senators Mar Roxas at Ping Lacson, bagama’t may mga lakad daw sila, kasi wala nang mangyayari sa kanilang oras, kahit handa na silang magpakita ng mga ebidensiya at testigo ukol sa anomalya! Iyan ang demokrasya ayon kay Santiago. Huwag nang magtaka kung bakit hindi nahalal sa ICJ.
Ano pa ba ang aasahan ng mamamayan kay Santiago? Hindi ba ganun din ang ginawa niya kay Jun Lozada sa mga pagdinig noon sa ZTE/NBN? Ibinunyag niya ang mga umano’y anomalya kung saan sangkot si Lozada, para sirain ang kredibilidad niya? Pero nung umamin si Lozada sa mga bintang niya, tapos ang boksing! Wa epek ang mga atake ni Santiago.
Siguro nga dapat dumalo na ang mga opisyal ng World Bank sa Senado, at ilabas na lahat ng kanilang nalalaman. Dokumento, testigo, lahat na. Para mapahiya na ang dapat mapahiya, makasuhan na ang dapat makasuhan, makulong na ang dapat makulong nang panghabambuhay na! Kailangan may kahinatnan ang lahat ng ito. Lahat na lang ng mga anomalyang sangkot ang gobyerno at unang pamilya, nababasura na lang dahil sa mga kaalyado nito sa lehislatura. Nakikita na ninyo, kung paano kumilos ang administrasyong ito. Huwag nang pabayaang tumagal pa sa poder. Siguraduhing hanggang 2010 na lang sila.