KAPAG ang blood vessels ay nagkaroon ng mga fatty deposit, kikitid ito at magkakaroon na ng blood clot. Ang tawag sa ganitong kalagayan ay thrombosis.
Kaya para maiwasan ang thrombosis, nararapat na ang diet ay mababaw sa saturated fats. Dagdagan ang pagkain ng matataas sa fiber at ganoon din ng mga sari wang prutas at gulay. Bawasan ang pagkain ng dairy products at ganoon din ang mga pagkaing maraming asin gaya ng bacon at sausages.
Hindi naman lahat ng fat ay masama sa katawan. May mga tinatawag na polyunsaturated fats na nagtataglay ng Omega 3 acids kung saan ang platelets ay hindi nagiging sticky. Nakatutulong ito para maiwasan ang pagkakaroon ng blood clot. Ang Omega 3 ay makikita sa mga isda, na kagaya ng mackerel.
Kumain ng mga ganitong klase ng isda, dalawang beses isang linggo. Ang sibuyas ay mabuti ring kainin para mabantayan ang masamang dulot ng fatty acids. Ang bawang ay nakatutulong din para maiwasan ang blood clot subalit kailangang kumain nang marami nito sa loob ng isang araw para may significant effect.
Ang panganib ng thrombosis ay lumulubha habang nagkakaedad ang tao. Mas lalong panganib kapag ang isang tao ay mataba, naninigarilyo at walang ehersisyo.
Kaya ang maipapayo ko ay tigilan ang paninigarilyo at mag-exercise para hindi magkaroon ng thrombosis. Ang katamtamang pag-inom ng alak ay maaari para mabuhay ang maliliit na blood vessels.