EDITORYAL - Dapat lang sa Bilibid si Smith
ANG batas ay para sa lahat. Walang kinikilingan, mayaman, mahirap, itim, puti, kayumanggi o ano pa mang kulay ng balat. Kung nakagawa ng mabigat na kasalanan sa bansang kinaroroonan, dapat siyang mabilanggo sa lehitimong bilangguan kasama ng iba pang convicted criminals. Kahit pa isang puti, nararapat lamang na malasap niya ang kaparusahan sa totoong bilangguan at hindi sa loob ng bakuran ng kanyang bansa.
Ganyan ang dapat gawin kay Lance Cpl. Daniel Smith na nanggahasa ng isang Pinay noong November 1, 2005 sa Subic Bay Freeport. Nahatulan si Smith ng reclusion perpetua o 40 taong pagkabilanggo noong Dec. 4, 2006. Ang humatol ay si Judge Benjamin Pozon ng Makati Regional Trial Court. Ang tatlong kasamahang Marines ni Smith ay napawalang sala, Makaraang hatulan, sa Makati City jail siya pansamantalang kinulong pero makalipas lamang ang isang araw ay nag-file na ng appeal ang mga abogado ni Smith na manatili ito sa custody ng military sa US Embassy. Noong hatinggabi ng Dec. 29, 2006, inilipat si Smith sa US Embassy. Maraming grupo ang nagalit sa palihim na paglilipat kay Smith sa US Embassy. Mula noon, ang US Embassy na ang naging tahanan ni Smith. Isang malaking katanungan kung bakit ang isang katulad ni Smith na nanggahasa ng Pinay ay nananatiling nasa custody ng kanyang mga kalahi. Isang malaking pagyurak sa mga Pilipino ang nangyari na para bang porke at puti ang nahatulan ay maaaring sa isang maganda at komportableng kulungan (kung kulungan nang matatawag) inilagak ang rapist.
Mabigat ang kasalanan ni Smith. kung saan, pagkaraang gahasain niya si “Nicole” sa loob ng sasakyan ay basta na lamang ibinaba sa loob ng Subic Bay. Ayon sa mga unang rumesponde sa kaawa-awang si “Nicole” nakadikit pa ang condom sa ari ng babae. Halos hindi makapagsalita si Nicole nang matagpuan.
Kamakalawa, nagdesisyon ang Supreme Court na dapat ay sa Bilibid Prison sa Muntinlupa ikulong si Smith. Doon niya pagdudusahan ang kanyang nagawang kasalanan sa kawawang Pinay na kanyang binaboy dito pa sa sariling bansa. Dapat niyang maranasan ang bigat ng parusa sa Bilibid.
- Latest
- Trending