'Salpukan...'

HINDI NA MABILANG ang dami ng aksidente na kina­sa­sangkutan ng mga motorsiklo! Bakit sa harap ng ganitong mga statistiko marami pa rin ang gumagamit ng motorsiklo.

Maraming dahilan. Mas mura ang gasolinang nako­kon­sumo nito, mas mabilis makarating dahil madaling ilusot, labas-masok sa trapiko. Subalit, iba pa rin ang tatag ng apat na gu­­long pagdating sa banggaan.

February 3, 2009 ng lumapit sa aming tanggapan si Colita Pilapil, 50 taong gulang upang idulog ang pagkabalda ng kanyang nag-iisang anak na si Mario Luis Pilapil.

Si Mario ay 24 taong gulang at dating nagtatrabaho bilang ‘quality control’ sa Tanduay sa bandang Quiapo.  

June 30, 2008 bandang ala singko y media ng umaga ng umalis si Mario papasok ng kanyang trabaho sakay ng kan­yang motosiklo.

Habang nasa kahabaan na siya ng Roosevelt Avenue ay sumalpok siya sa isang pampasaherong jeep.

Ang jeep ay galing ng Quiapo na minamaneho ni Benjamin Sta. Ines  nung mga oras na yun ay napag-alamang nag-u-u-turn pero hindi gumamit ng ‘signal light’.

Madilim pa nung mga oras na yun kaya hindi agad ito nakita ni Mario para makapagpreno kaya sumalpok siya sa gilid ng jeep.

Bandang ala sais ng umaga may tumawag sa cell phone ni Colita at sinabing pumunta siya sa Roosevelt Avenue dahil nadisgrasya ang kanyang anak.

“Sobrang nerbyos ang naramdaman ko nung nalaman ko ang nangyaring aksidente. Agad akong pumunta dun para matiyak ang kaligtasan ng aking anak. Pagdating ko dun ay halos madurog ang puso ko dahil nakita kong na­ka­bulagta si Mario sa kalsada at duguan,” kwento ni Colita.

Dagdag pa ni Colita na hindi kagad siya nakalapit sa kan­yang anak nung pagdating niya dahil sa hindi siya pinapayagan ng mga pulis na nagiimbestiga ng insidente.

Nakita niyang nakaparada na ang jeep na nakasalpukan ni Mario sa gilid ng daan ngunit hindi na niya nakita ang driver.

Dinala si Mario sa Phillipine Orthopedic Center dahil sa mga tinamo nitong pinsala sa aksidente.

Ayon kay Colita na nung mga oras na ‘yun ay sinabi ng dok­tor na kailangan operahan si Mario dahil nadurog ang buto sa kanang hita nito at nabali naman ang sa kaliwa. Kinailangan ding kaagad salinan ng dugo si Mario dahil sa mga nawalang dugo dito dahil sa aksidente.

“Hindi namin alam kung saan kukuha ng panggastos para maibigay ang mga pangangailangan ni Mario. Mala­king pera ang kailangan niya sa operasyon at mahirap maghanap ng dugong ipapalit sa kanya ngunit naging ma­tatag ako at hindi pa rin ako nawalan ng pag-asa,” kwento ni Colita.

Umabot sa P72,000,00 ang kinailangan nila para maoperahan si Mario. Dalawang linggo matapos ang aksidente ay pumunta si Benjamin sa bahay nila at may kasamang dalawang lalake.

Sabi ni Colita ay nagbibigay umano ito ng limang daang piso (P500) pero hindi niya tinanggap dahil sa nagkautang-utang na sila sa mga gastusin para lang maipagamot si Mario. Sa gamot pa lang ay P20,000 na ang nagastos nila. Anong silbi ng P500 sa laki ng gastusin na hinaharap nila.

Nagalit umano si Benjamin at wala na siyang maibibigay na mas mataas na halaga at sinabing ‘kung ayaw n’yong tang­gapin ay bahala kayo’ sinabi ni Colita na magdedemanda na lang siya ngunit sinagot siya ni Benjamin ng ‘Sige magdemanda ka!’ 

Kinausap ni Colita ang operator ng jeep na si Josefina San Luis upang humingi ng tulong. Sinabi umano ni Josefina na ibibigay nila ang makukuhang pera sa ‘insurance’ ng jeep ngunit ilang buwan na ang lumilipas ay wala pa ring nangyayari.

“Nakiusap kami ng maayos para matulungan nila kami pero pinaasa lang nila kami. Nung bandang huli ay napagod na rin ako na kausapin sila. Naisip ko nabaligtad ang mga pangyayari dahil kami na nga ‘yung naperwisyo kami pa ‘yung nakiki-usap kaya naman napagdesisyonan kong magdemanda na lang,” mula kay Colita.

February 18, 2008 ng magsampa sa Quezon City Prosecutors Office si Colita ng Reckless Imprudence Resulting to Damage to Property with Serious Physical Injuries.

Sabi ni Colita na ni isang beses ay hindi umattend ng mga hearing si Benjamin kaya naman nung October 24, 2008 ay lumabas ang warrant of arrest niya na pinirmahan ni Judge Madonna C. Echiveri ng Quezon City Metropolitan Trial Court-Branch 41. 

“Pumunta ako sa inyong tanggapan para magpatulong na mahuli si Benjamin. Kailangan niyang pagbayaran ang mga ginawa niya sa anak ko. Hindi na muling naka­pagtrabaho ang anak ko at malaki ang naging epekto nito sa kanyang buhay,” mula kay Colita.

Ayon kay Colita na ang huling balita niya ay wala na ito sa kanyang pinagtatrabahuhan at nasa Nueva Ecija na ito.

Pinabalik namin si Colita sa korteng naglabas ng warrant of arrest ni Benjamin dahil paso na ito at hindi na ito pwede gamitin upang mahuli si Benjamin.

Pinakuha namin siya ng ALIAS WARRANT dahil walang pag­kapaso ito ng sa sandaling makita ang suspect ma­dakip agad ito. Binigyan namin siya ng referral kay Chief City Prosecutor Claro Arellano ng Quezon City para ma­asistehan ma­kakuha ng alias warrant si Colita.

PINAYUHAN din naming siya na nakapaloob sa batas na kapag ang driver ng isang sasakyan tinakbuhan ang pananagutan sa biktima, maaring habulin ang may-ari ng jeepney sa isang kasong sibil (Quasi-Delict) at ito’y maaring ipag-utos ng hukuman na panagutan ang mga pinsalang tinamo ng biktima.

PARA SA ANUMANG impormasyon sa kinaroroonan nitong si Benjamin Sta. Ines maari lang makipag-ugnayan sa aming tanggapan sa mabilis niya ikadarakip. (KINALAP NI JONA FONG)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

* * *

Email: tocal13@yahoo.com

Show comments