EDITORYAL - Uunahin pa ba ang Cha-cha kaysa mga nawalan ng trabaho?
KUNG mayroon mang dapat na pagtuunan ng pansin ang mga mambabatas sa kasalukuyan, iyan ay walang iba kundi ang pagpapasa ng batas na makatutulong para makabangon ang bansa sa nangyayaring financial crisis. Sa kasalukuyan, hindi na maikakaila na nakasakmal na ang krisis sa Pilipinas. Hindi na biro ang nangyayaring pagsasara ng mga kompanya at pabrika at ang pagkawala ng pagkakakitaan.
Noong nakaraang linggo, maraming manggagawa ng Intel ang nawalan ng trabaho. Marami sa kanila ang labis na nangangamba sapagkat hindi nila alam kung saan sila hahanap ng bagong pagkakakitaan. Noong Biyernes, nagsara na ang FedEx sa Subic at mahigit 800 empleado ang nawalan ng trabaho. Bagamat mga masasaya ang mga empleado na kumaway pa sa huling eroplano na umalis, nasa likod niyon ang pangamba sa kinabukasan. Saan sila pupulutin?
Sabi ng Department of Labor and Employment (DOLE), marami pang manggagawa ang mawawalan ng trabaho sa mga susunod na buwan. May kaugnayan sa global financial crisis.
Pero ang ganitong problema ay tila naman walang epekto sa mga mambabatas. Paano’y ang pagsusulong sa Charter change (Cha-cha) ang inaasikaso ng mga mambabatas. Gusto ng mga mambabatas na maamyendahan ang Konstitusyon bago ang 2010 elections. Iisa ang kalalabasan kapag naamyendahan ang Konstitusyon, magkakaroon ng extension ang pa nunungkulan ng mga nanunungkulan, kabilang si GMA.
Pero sabi naman ni House Speaker Prospero Nograles, lalabanan nila ang anumang balak na ma-extend ang term ni GMA at iba pa. Binawi naman ni Senate President Juan Ponce Enrile ang unang sinabi na open siya sa Cha-cha. Hindi raw ganoon ang ibig niyang sabihin.
Kung ganito ang kanilang paninindigan sa Cha-cha, sana nga. Sa panahong ito na maraming nawawalan ng trabaho at nagugutom, hindi na dapat pag-usapan pa ang Cha-cha. Maski ang Comelec ay nagpahiwatig na hindi na maaari pang isulong ang Cha-cha. Wala na raw panahon.
Dapat ibasura ang Cha-cha dahil maraming mas mahalagang gawin kaysa rito. May panahon para rito at hindi ngayon na ang mga manggagawang nawalan ng trabaho ay hilong-talilong kung paano kakain sa kinabukasan. Huwag nang pag-aksayaan ng panahon ang Cha-cha.
- Latest
- Trending