HALATANG naghahabol lamang kay President Barack Obama si Mrs. Gloria Macapagal Arroyo nang siya ay madaliang pumunta sa Washington DC upang dumalo diumano sa isang prayer breakfast. Alam naman ng lahat na si Obama ang guest speaker doon, kaya siguro pumunta siya doon baka sakali na makausap niya si Obama.
Kahiya hiya naman ang nangyari, dahil hindi man lang niya nakausap si Obama at kahit makamayan man lang ay hindi rin. Kung siya ay matinong lider, tiyak na si Obama mismo ang lalapit sa kanya upang bumati, at talagang kakausapin siya.
Ano naman kaya ang karapatan ni Mrs. Arroyo na kausapin si Obama? Ang bagong lider ng America ay tunay na halal ng kanyang mga kababayan, ngunit ganoon pa man, tiniyak niyang manumpa siya ulit nang nagkaroon ng pagkakamali sa kanyang unang panunumpa, upang maalis daw ang anumang pagdududa sa kanyang legitimacy.
Kung ganoon ka-sensitive si Obama sa isyu ng legitimacy, marahil ay minabuti niyang huwag nang harapin o kausapin si Mrs. Arroyo, at kahit kamayan man lang, dahil sa ayaw niyang ma-identify sa isang lider na hindi legitimate katulad niya.
Ibang-iba si Obama kay Mrs. Arroyo. Nang si dating Illinois Governor Rod Blagojevich ay dumaan sa impeachment, hindi nakialam si Obama at hinayaan niyang ma-impeach si Blagojevich kahit ka-partido niya ito. Walang nabili na mambabatas sa impeachment na iyon, hindi katulad ng nangyari sa Pilipinas.
Bakit kaya nagmamadali si Mrs. Arroyo na makausap si Obama? Dahil kaya gusto niyang turuan ang American leader katulad ng sinabi ni Executive Secretary Ed Ermita? At ano naman kaya ang ituturo ni Mrs. Arroyo kay Obama? Kung papaano mandaya upang matiyak ang kanyang re-election kung saka-sakaling gusto niyang mahalal ulit? Baka naman gustong humingi ng ayuda si Mrs. Arroyo kay Obama? Para madag-dagan ang makukurakot ng kanyang gobyerno?