DAPAT tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas at alituntunin para sa kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawa sa South Korean firm na Hanjin Heavy Industries and Construction sa Subic Bay, Zambales.
Ito ang mariing paninindigan ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, at ng Joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment.
Kasi nga naman, grabe at masyadong nakaaalarma ang pagkamatay ng 19 na manggagawa (18 Pilipino at isang Koreano) sa 17 nang aksidenteng naganap sa Han-jin shipyard mula pa noong 2006, base mismo sa ulat ni Ramon Ogregado ng Subic Bay Metropolitan Authority Support Service Group sa pagdinig sa Sena-do noong Lunes.
Noong nagdaang Huwebes ay tinungo ni Jinggoy ang Hanjin at personal niyang sinuri ang sitwasyon sa nasabing pagawaan. Ayon kay Jinggoy, bagsak ang grado ng Hanjin sa pagsunod sa mga safety requirements sa kanilang pasilidad.
Napansin din umano na marami sa mga manggaga-wa sa nasabing pasilidad ay walang suot na safety helmets o hardhats at butas pa ang safety shoes. Wala rin umanong takip ang mga kanal doon at kalat-kalat ang malalaking mga bakal na “raw materials” na ginagamit sa paggawa ng barko roon.
Sa inisyal na evaluation ni Jinggoy ay lumalabas na mukhang kailangang suspendihin muna ang operasyon ng Hanjin hangga’t hindi nito nasosolusyunan ang mga problemang pang-seguridad doon at manatiling nasa panganib ang mahigit 18,000 mga manggagawa nila.
Siyempre, hindi ito basta usapin lang ng pagpasok ng dayuhang negosyo sa ating bansa at pagbibigay ng trabaho sa ating mga kababayan, bagkus ang mas mahalaga ay ang safety ng mga mang gagawa.
Base pa sa sumbong ng mga manggagawa kay Jinggoy, labis-labis umano silang pinagtatrabaho ng Hanjin management at substandard din ang ipinakakain sa kanila.
Tiniyak ni Jinggoy na pormal niyang ilalahad ang kanyang rekomendasyon tungkol sa Hanjin sa kasunod na pagdinig ng kanyang komite sa naturang isyu.