AMINADO na talaga ang mga pre-need na kompanya, pati ang mga kilalang malalakas at malalaking kompanya, na may problema ang buong industriya. Itong mga nakaraang taon ay nakita na nating nagsara ang ilan, pati na ang mga kilalang-kilala tulad ng CAP at Pacific Plans Inc. Noong nagsara ang mga ito, nabawasan ang tiwala ng mga tao sa sistemang ito. Subalit nagpursigi ang ilan, at nakapagbenta pa rin ng mga plan, maging edukasyon o pensiyon. At ngayon, makalipas na ng ilang taon, umaamin na rin sila.
Ang isang pre-need na kompanya ay kumikita sa pamamagitan ng paglalagay din ng kanilang pera sa mga negosyo ng iba, o kaya’y sila mismo ang gagamit ng mga ito para pumasok sa isang negosyo. Noong araw, ang malakas na negosyo ay real estate. Nagtayuan ang napakaraming mga condominium at townhouses. Kaliwa’t kanan ang mga housing projects na pinasukan ng mga pre-need na kumpanya. Kung mabenta nga naman nila ang mga ito, sapat ang kikitain nila para gampanan din ang kanilang mga pangako sa mga bumili ng mga policy sa kanila. Maganda ang kita, malusog ang industriya. Pero may isang bagay na hindi nila inakala.
Nang tanggalin ng gobyerno ang limitasyon sa pagtaas ng matrikula ng mga paaralan, tumindi ang pagtaas ng matrikula. Ito ang unang naging problema ng mga pre-need. Hindi nila akalain na ganun aabutin ang mga matrikula, nang gamitin na ng mga planholders ang kanilang mga kontrata para paaralin ang kanilang mga anak. Unang napansin ito ni Sen. Mar Roxas, at agad niyang pinapaimbestiga ang kalagayan ng industriya. Ngunit hindi pinatupad ito ng gobyerno, at pinabayaan na lang ang sitwasyon. Hindi nila binantayan ang kalusugan ng lahat ng kompanya. Dahil ang usong kontrata noon ay walang limitasyon sa matrikula na sasagutin ng mga kompanya, wala silang nagawa kundi patuparin ang kanilang mga pangako, maliban na nga sa CAP, Pacific at Platinum Plans na nagsara na lang ng kanilang mga tanggapan!
Sumunod na naging problema naman ang paghina ng negosyo, lalo na sa real estate. Kaya ang mga perang ipinasok sa mga ganitong uri ng negosyo ay nagkandaipit-ipit na. At ngayon, ang krisis pinansiyal na bumabalot sa buong mundo. Ang sabi nga ng SEC, kailangan kumikita ang mga pre-need na kumpanya ng hindi kukulang sa 12% kada taon sa kanilang mga pinasukang negosyo o anumang investment, para masagot nila ang kanilang mga planholders. May mga kom panya naman na nakukuha pa rin itong porsyento, at may mga kumpanya naman na marami pa ang pondo sa banko. Pero kung magpapatuloy ang matumal na negosyo at hindi na nila makuha ang kita na kailangan nila para sagutin ang kanilang mga kontrata, dito na magkakaroon ng problema ang lahat. Kaya siguro ngayon pa lang ay nagpaparamdam na ang mga kompanya, at humihingi ng tulong. Ang suma niyan, ay ang mga nakapagbayad na ng buo sa mga kompanya, at may ilang taon pang hihintayin bago nila magamit pang matrikula, ang nangangamba naman ngayon. Palagi na lang ang ordinaryong tao ang kawawa, dahil sa pagtitiwala ng kanilang kinabukasan sa kamay ng ibang tao.