Mabilis lang magpatalsik ng pulitiko sa US

MARAMING Pinoy ang hindi makapaniwala sa pagpa­patalsik kay Illinois Gov. Rod Blagojevich. Sandali lang inimbestigahan ng Kongreso sa kasalanang pagbebenta sa naging posisyon ni Barack Obama. Pati mga kapartido sa Democratic Party binoto siya.

Ang pagpapatalsik ay Blagojevich ay hindi raw mangyayari sa Pilipinas lalo’t kapartido pa ito at malaki rin naman ang itinulong sa naupong Presidente.

Sa Pilipinas, kaliwa’t kanan ang ginagawang imbes­tigasyon ng mga senador at kongresista. Kayhaba at kay tagal ng mga imbestigasyon ang ginagawa nila pero wala namang kinakalabasang maganda. Maraming kinakasuhang opisyal kasama na ang ilang mga pribadong tao. Padadaanin nila ang mga ito sa public hearing na akala mo ay mga criminal na.

Sa awa ng Diyos, hanggang imbestigasyon na    lamang. Wala namang napapatunayan at napaparusahan. Mag­kakalimutan na lamang. Pagkatapos nito, mag-iim­bestiga na naman ng panibagong mga kaso na magka­minsan ay patung-patong pa nga. Ganoon na naman ang mangyayari. Ang nangyayari tuloy ay wala nang gina­gawang iba pa ang mga senador at mga kongresista sa atin kundi ganito na lamang. Marami nga ang nagsasabi na ginagawa nila ang mag-imbestiga nang mag-imbestiga upang may magawa lamang.

Isa na namang malaking pagkakaiba ang nangyaring ito sa Illinois governor sa ginagawa ng mga senador at mga kongresista sa atin. Siguro, nabalitaan na rin ng mga senador at kongresistang Pinoy ang nangyari kay Blagojevich. Mahiya naman sila sapagkat napakalaking pera ng taumbayan ang nilulustay nila nang walang kakuwenta-kuwenta.

Show comments