Nasaan ang hustisya?
MALAKING pasabog ang dinala ni Sen. Richard Gordon sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa fertilizer scam. At ito’y isang larawan kung saan ipinakita si Jimmy Paule at ang iba pang mga testigo sa isang party umano ni Leonicia Llarena. Nandun din ang mga opisyal ng Feshan Philippines na sina Julie Gregorio at Redentor Antolin at Marilyn Araos. Ito’y kontra sa pagtanggi ni Paule na matagal na niyang kilala ang mga taong nabanggit. Ganun pa man, pilit pa ring ipinahayag na hindi nga niya kilala sina Gregorio at Araos, kahit ganun ang tila ipinahihiwatig ng retrato, at nagsabi pa na dahil na rin sa modernong teknolohiya, eh baka dinoktor ang retrato! Na photoshop, ika nga! Talaga naman!
Ugali nating mga Pilipino na kapag naiimbita sa isang party o kainan, hahanap ka ng kakilala at iyon ang gusto mong makasama sa mesa. Para nga naman makapagkuwentuhan nang husto. Kahit isa lang ang kakilala sa mesa, sapat na iyon para makapag-relax na sa party.
Kaya hindi makapaniwala ang mga senador sa mga sinasabi ng Paule na yan. Talagang pinaninindigan ang pagsisinungaling, na sa pasya ng Senado, ay dapat nang ikulong dahil sa contempt, at pagsisinungaling habang nasa ilalim ng panunumpa.
Nagbabala si Senate President Juan Ponce Enrile sa mga prinisipyong testigo, na maliwanag na isang conspiracy ang nangyari sa fertilizer scam, na lahat sila ay sangkot, kahit sa pinakamaliit na pamamaraan lang, para nakawan ang gobyerno. Handa na rin siguro ang komiteng ito para magbigay ng rekomendasyon kung ano ang gagawin sa mga sangkot sa anomalya.
At dito na ulit magkaka problema. Sa totoo lang, matagal nang problema nang maraming taong may nakabinbin na mga kaso ang pagkamit ng hustisya. Sa dami-dami ng mga anomalyang inimbestigahan ng Senado, ni isang salarin ay wala pang nakukulong! Magmula pa lang sa ZTE/NBN, kung saan may suhu lang naganap, wala pa ring hustisya! Ang Euro generals, hinuli na nga sa Russia dahil may paglalabag, wala pa ring hustisya!
At ngayong nagwawakas na ang imbestigasyon ng Senado sa fertilizer scam, sa tingin ninyo magkakahustisya na? Kung ang Ombudsman lang ang hahawak ng kaso, kailan pa kaya aandar iyan. Noong 2006 pa may reko mendadong kaso kay Jocjoc, hanggang ngayon, walang ginagawa ang Ombudsman.
Gutom na ang mamamayan para sa lahat ng bagay, lalo na’t krisis. Pero wala nang mas matinding gutom kundi ang para sa hustisya. Hindi maganda para sa isang bansa ang makilalang walang hustisya. Walang bansa ang umuunlad kapag ganito ang persepsyon ng mundo. Panahon na para umikot ang mga gulong ng hustisya na tila nabalaho na ng panahon at katiwalian!
- Latest
- Trending