NAGISING na nga si President Arroyo mula sa mahabang pagkakatulog at ganap nang nakita ang kasamaan ng illegal na droga. Bagamat marami nang napinsala at nasirang buhay, hindi pa naman huli ang kanyang pagnanais na makitang drug-free ang bansa. Kamakalawa, inihayag niya mismo na siya ang drug czar. Mariing sinabi ng Presidente na ang mga drug traffickers ay mistulang anay na sumisira hindi lamang sa pamilya kundi pati na rin sa lipunan. Sa talumpati niya noong Lunes makaraang iutos sa Department of Justice na pagbakasyunin ang ilang DOJ officials at mga prosecutors kaugnay sa suhulan, sinabi niyang ang bawal na droga ang umaagaw sa lakas, kaligayahan, kasiglahan at sigasig ng mga kabataan. Ngayon aniya ay mas lalo pang paiigtingin ang paglaban sa mga salot na nagbebenta ng droga.
Kasabay sa utos niyang paglipol sa drug traffickers ay iniutos din niyang isailalim sa drug test ang mga estudyante, empleado at artista. Kaka tulungin ng Presidente sa kampanyang random drug test ang Dangerous Drugs Board (DDB) na pinamumunuan ni Tito Sotto at ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pinamumunuan ni Dionisio Santiago. Ang PDEA ang naging susi ng lahat para ganap na magising si Mrs. Arroyo at la-banan ang illegal. Inaresto ng PDEA ang mga mayayamang “Alabang Boys” at sinailalim sa kanilang kustodiya pero pinare-release ng DOJ. Sumingaw ang milyong pisong suhulan.
Tama ang hakbang ng Presidente na unahing i-drug test ang mga estudyante. Nakababahala na ngayon ang mga balitang napasok na ng drug traffickers ang mga unibersidad. Marami nang mga estudyante ang lulong sa Ecstasy, shabu at marijuana. Hindi lamang ang mga estudyante sa unibersidad ang sinasabing suki ng mga “tulak” kundi pati na rin ang mga estudyante sa high school. Ano ang kahihinatnan ng mga kabataan kung hahayaang sakmalin sila ng mga salot sa lipunan? Kawawa ang bansang ito, kawawa ang mga susunod pang henerasyon. Nararapat tumulong ang bawat isa sa kampanya ng pamahalaan na paglaban sa illegal na droga. Ngayon na!