EDITORYAL - Kailangang automated na 2010 presidential elections

KAHIT na isinumite na ng Malacañang ang P11.9 bilyong supplemental budget para sa automation ng 2010 elections noong Biyernes, marami pa ring agam-agam, na hindi matuloy ang balak na automation. Marami pang lumalabas na problema at kung iisipin ang sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na maaatrasado ang preparasyon ng automation kapag hindi agarang inaprubahan ang supplemental budget.

Kung magkakaganyan, balik sa manu-manong pagbibilang sa election at lalaganap na naman ang dayaan. Madaling isakatuparan ang pandaraya kung ang lumang paraan sa pagbibilang ang gagamitin. Bukod sa pandaraya, inaabot din ng siyam-siyam bago maiproklama ang mga nanalo. May pagkaka­taon pa na ang nanalong kandidato ay naipopro­k­lama pagkalipas pa ng ilang taon o kung minamalas ay kapag malapit nang matapos ang termino.

Kung maaaprubahan agad ang supplemental budget, maisasakatuparan ang automation sa 2010 elections at bibilis na ang proseso. Baka 24-oras lang ay alam na ang nanalong Presidente at Bise Presidente. Sabi ni Comelec chairman Jose Melo, mawawala na o mababawasan ang human intervention kapag naging computerized na ang election. Noong 2004 election ay naging kontrobersiya ang “Hello Garci” kung saan ay nabahiran ng putik ang Comelec.

Sana ay maplantsa na ang budget para naman makagalaw na ang Comelec at maipatupad nang ayos ang automation.

Kung hindi pa nagpakita ng pagkainis si Melo ay baka hindi pa isusubmit ng Malacañang ang budget. Tila “tinutulugan” ito sa pakiramdam ng Comelec. Matagal na umanong naipakiusap ang bagay na ito kay Executive Secretary Eduardo         Er­mita subalit mabagal ang aksiyon.

Huwag biguin ang pagkakaroon ng poll automation sa 2010 nang magkaroon nang mabilis at malinis na election sa Pilipinas. Nasubukan na ang automation sa ARRM elections at wala namang problema kung gawin nang buong Pilipinas ang computerization. Dapat magkaroon ng pagbabago sa 2010 elections.

Show comments