Motibo ang isa sa pinaka-importanteng aspeto sa Murder Case. Malaki ang naitutulong sa imbestigasyon kung malalaman agad ang motibo sa likod ng isang “heinous crime”.
Kung sino ang may motibo malamang siya ang nasa likod at makikinabang sa pagpatay.
November 20, 2008 ng pumunta sa aming tanggapan si Randy Magdasal upang idulog ang malupit na sinapit ng kanyang ama na nauwi sa kamatayan at nagmitsa upang mangamba ang kanilang pamilya sa kanilang buhay.
Si Randy ay 33 taong gulang, may pamilya at naninirahan sa Maynila isang security guard sa 711 sa Cubao.
October 11, 2008 bandang alas ocho ng umaga ng pumunta ang tatay ni Randy na si Gorgonio Magdasal sa palengke ng Owacan, Jimalalud, Negros Oriental para mamili ng mga pang-araw-araw nilang pangangailanagan.
Nag-alala na ang asawa nitong si Henrietta ‘Rita” Magdasal dahil lumalalim na ang gabi at hindi pa ito umuuwi.
Kina-umagahan bandang ala sais ng umaga agad na hinanap ni Rita at ng anak nito na si Lullyll Magdasal si Gorgonio sa palengke.
Hindi pa sila nakakaabot sa mismong palengke ay may nabalitaan na sila na may natagpuang patay sa may sapa.
Pumunta sila sa nasabing lugar upang maki-usyoso lamang hindi nila inakala na ang makikita nila ay ang nakahalandusay na katawan ni Gorgonio na animo’y baboy na itinapon sa sapa.
Ayon sa mga kwento ay isang batang lalake ang nakakita sa nasabing bangkay. Mabilis naman ipinaalam ni Rita sa barangay kapitan ang nangyari at sinabi ng kapitan na huwag gagalawin ang katawan dahil kailangan pa iyon imbestigihan ng mga pulis.
Matapos mag-imbestiga ng mga pulis ay dinala na ang bangkay ni Gorgonio sa Brgy. Buyog, Negros Oriental upang maipa-autopsy..
Ayon sa autopsy report na isinagawa ni Dr. Rogelio R. Kho na ang ‘cause of death’ ni Gorgonio ay “Internal Hemorrhage and Irreversible Shock due to fractured Skull”.
“Sa bahay lang ibinurol si tatay dahil kulang din kami sa pinansyal. Biglaan ang pagkamatay niya kaya naging mahirap ang pagtanggap ng pamilya namin sa nangyari. Grabe ang mga tinamo niyang mga tama sa katawan na para bang puno ng galit ang pumatay sa kanya,” sabi ni Randy.
October 14, 2008 bandang alas tres y medya ng hapon ng inilibing si Gorgonio sa Brgy. Ile, La Libertad, Negros Oriental.
Dahil sa hindi pa tiyak kung sino ang pumatay sa tatay nila kaya nagimbestiga silang magkakapatid.
Pumunta sila sa mismong palengke kung saan huling pumunta ang kanilang tatay. Naka-usap nila ang isang tindero at napag-alaman nila na di umano ang magkapatid na sila Willy Tidor at Rogelio Tidor ang nakita ng tinderong kainuman ni Gorgonio at sila rin ang nag-akay kay Gorgonio pauwi.
Isang Andrew Piñero ang lumutang at nagsabi na nasaksihan niya ang pagpatay kay Gorgonio.
Sabi ni Randy na ikiniwento ni Andrew ang buong pangyayari at ayon dito na niyaya nila Willy, Rogelio at iba pang kasama na mag-inom si Gorgonio kaya ginabi ito ng uwi.
Bandang ala sais y medya ng gabi ng sumabay si Andrew na maglakad pauwi kanila Goegonio, Willy at Rogelio.
Magkakakilala sila dahil matagal na silang magkabarangay. Sa katunayan itong sila Willy at Rogelio ay kung minsan pumupunta pa sa bahay ni Gorgonio para makipag-inuman.
“Inaakay ni Willy at Rogelio si tatay dahil lasing na lasing ito. Yung nasa Sitio Lanasan na sila sa may bandang sapa biglang tinutukan ni Willy si tatay ng 38 caliber na baril. Sinaway sila ni Andrew at sinabing wag nilang gagawin yun pero binalaan siya nito na huwag siyang makikialam,” kwento ni Randy.
Dagdag pa ni Randy na pinukpok ni Willy sa ulo ng malaking bato si Gorgonio kaya napahiga ito at nawalan ng malay. Hindi nagtagal ay pinagtulungan na ito ng magkapatid na bagsakan ng malalaking bato hanggang sa ito ay mamatay.
Walang nagawa si Andrew kundi panoorin ang pagpatay kay Gorgonio dahil na rin sa takot na naramdaman niya lalo na nung sinabihan siya ni Rogelion na,
“Kapag nagsumbong ka papatayin kita pati ang buong pamilya mo!”
October 23, 2008 na nakapagsumbong si Andrew kay Benjie Magdasal. Agad naman silang pumunta sa Jimalalud, Negros Oriental Police Station upang makapagbigay ng salaysay si Andrew sa kanyang mga nasaksihan.
“Basag na basag ang mukha at ulo ng tatay ko nung nakita namin. Hindi makatao ang dinanas niya. Wala kaming maalala na kaaway niya o nakasamaan niya ng loob. Sa totoo lang sila Willy at Rogelio ay malapit sa aming pamilya kaya hindi namin lubos maisip na magagawa nila ito lalo na sa tatay ko,” pahayag ni Randy.
Dagdag pa ni Randy na mapasahanggang ngayon ay hindi pa nahuhuli sila Willy at Rogelio kaya naman labis ang pangamba nila na baka sila naman ang balikan dahil malapit lang ang mga bahay nila sa isa’t isa.
Hindi na rin sila makapagtrabaho ng maayos dahil parati silang puyat dahil kinakailangan nilang magbantay tuwing madaling araw sa takot sa mga bagay na pwedeng mangyari sa kanila.
Nakipag-ugnayan kami sa Dumaguete City Prosecutors Office at naka-usap namin si Asst. Provincial Prosecutor Ethyl B. Eleccion at inalam namin ang estado ng kasong pagpatay kay Gorgonio at ayon kay Prosec. Ellecion na nung November 29, 2008 pa lang naifile ang kaso kaya pinag-aaralan pa ito at maghintay na lang ang pamilya nila Randy ng sulat mula sa kanilang opisina.
“Hustisya ang tanging bagay na gusto naming makamit dahil kahayupan ang ginawa nila sa tatay ko. Wala kaming naisip na motibo para mangyari yun sa tatay ko. Sa labang ito alam naming kakampi namin ang Diyos kaya talagang malakas ang kapit namin sa kanya,” panawagan ni Randy. (KINALAP NI JONA FONG)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Email address: tocal13@yahoo.com