Droga

MALAKING problema pa rin ang ilegal na droga. Hindi naman talaga nawala ito kailanman. Nalalagay lang ngayon sa sentro ng diskusyunan at komentaryo sa radyo at telebisyon, dahil may mga pangalan na ang mga salarin. Tatlong mga anak ng umano’y mayaya­man at maimplu­wensiyang pamilya ang nahuli ng PDEA sa isang buy-bust operation na isinagawa sa Alabang at Cubao. May nahulihan ng mga droga at kagamitan na may kaug­nayan sa pagbebenta ng mga ito.

Pero ayon naman sa mga aral sa batas ng DOJ, hindi sapat ang mga ebidensiya para isulong ang kaso laban sa tatlong suspek. Mga aral sa batas na ang lumalabas sa mga balita ay nasuhulan para ibasura ang kaso. Kaya naman umuusok na ang hepe ng PDEA na si Dionisio Santiago, dahil lumalabas na lahat ng kanilang hirap at pagpursigi sa pagsugpo ng ilegal na droga ay naba­basura lamang kapag hawak na ng mga abogado! Tama nga ang daing ni Santiago na kung kulang pa ang ebi­densiyang nasamsam ng PDEA, ano ba ang sapat para sa DOJ?

Lumalabas na hindi raw legal ang pagkuha ng mga ebidensiya laban sa mga suspek. Paano pala kung sa isang checkpoint nakita ang lahat ng ebidensiyang iyan? Legal pa rin ba, eh wala namang warrant ang mga iyan? Fruit of the poisonous tree pa ba iyan? O di halos lahat ng klaseng pagsamsam ng ebidensiya ay puwedeng malusutan pala!

Halos tinuturuan na ng DOJ ang lahat ng kriminal kung paano makalusot sa batas! Tapos makakarinig pa tayo ng mga balita na kaya lang lumabas ang pag­suhol na iyan sa balita ay dahil hindi naging pantay ang hatian ng suhol na pera sa mga kinauukulan. Mabuti na lang, na wala talagang karangalan sa pagitan ng mga magna­nakaw! Merong mas masahol na tao pa rin diyan.

At ano ba talaga ang ibig sabihin ng “social user”? Ayon sa ama ng isa sa mga suspek, aminado siya na isang “social user” ang kanyang anak pag dating sa droga. Ahh, para bang “social drinker” na umiinom lang kapag may party? O di meron din sigurong “social rapist”, na nangga­gahasa lang kapag may okasyon? O kaya “social killer” na pumapatay lang kapag may selebrasyon.

Ang ganyang klaseng pahayag ay palusot na lang ng isang magulang para sa kriminal niyang anak. Laos na ang kasabihan na ang gumagamit ng droga ay biktima. Sakop pa rin ng batas ang mga iyan, kahit “social user” pa iyan! Para tuloy kinukunsinti pa ang paminsan-minsang paggamit ng droga! Sang-ayon ako kay Director Santiago na kung anak niya iyon ay gugulpihin niya kaagad iyon! Kadalasan ay mga magulang pa nga ang hindi tuma­tanggap na ang kanilang mga anak ay adik. Mga magu­lang ang mga huling nakaaalam ng tunay na pagkatao nga ng kanilang mga anak.

Hindi dapat palusutin ang mga anomalyang naganap sa kasong ito. Kailangan ng masusing imbestigasyon. Nakahanda na rin ang Senado para dinggin ang mga testimonya ukol sa kaso. Panahon na para labanan ang mga malalakas sa negosyo ng droga, maging sino pa sila. Kung may nangyaring suhulan, parusahan, at ituloy ang kaso laban sa tatlo. Masyado nang matagal ang problema ng droga sa bansa.

Show comments