Huling payo kay Pacman

Ang pitak na ito’y muling bumabati

Sa ating mahusay boxer at bayani;

Sa huling laban n’ya Siya ay nagwagi

Kahit ang kalaba’y matikas malaki!

Sa huling bahagi ng ika-walong round

Kalaban ng bida ay biglang umayaw;

Dahil napagtantong wala siyang laban

Sa ating kamao’t bayani ng bayan!

Marami na siyang hawak na titulo –-

Laban pa nang laban ay hindi matalo;

Niloob ng Diyos na siya’y ganito

Upang itong bansa’y may tanging idolo!

Ang pangalan niya’y Manny “Pacman” Pacquiao

Sa ating history siya’y isang yaman;

At sa henerasyong ating kinagisnan

At sa darating pa -– siya’y karangalan!

Maganda ang kanyang napiling asawa -–

At ngayo’y apat na mga anak nila;

Ng dahil sa boksing sila’y mayaman na

Sa larangang ito siya’y dakila na!

Noon ang payo ko sa ating bayani

Sa ating politics huwag s’yang sasali;

Ang larangang ito’y masyadong marumi

Baka s’ya’y bumagsak kapagka nawili!

Marahil may ilan sa kanya’y susulsol -–

Na ang pulitika ay pasukin ngayon;

Sa sistemang ito baka di ka ukol

Kaya mas mabuting ang bansa’y ibangon!

Pamilya’t ang bayan ang iyong harapin -–

Sa Gawad Kalinga panaho’y ibaling;

Magtayo ng bahay sa mahirap natin -–

At saka ang sports iyong pagyamanin!

Kaya ang panghuling payo ko sa kanya

Sa pagboboksing mo’y magretiro ka na;

Ang pagkatalo mo’y ayaw kong makita

Gayundin ng bayang sa yo’y sumisinta!

Show comments