Bagong Taon — bagong mundo
iyan ang hangarin nating Pilipino;
Subali’t paano mangyayari ito
Nag-aaway-away tayong mga tao?
Hindi lamang dito naglalaban-laban
sa loob at labas nitong ating bayan –
Naghahari’y gulo at ang mamamayan
waring umiiwas sa kapayapaan!
Magulo sa bansa gayundin sa labas —
sa lahat ng dako’y maraming pangahas
Pag hindi makuha sa usapang tapat
baril at patalim ang laging pangahas!
Kaya papaanong mundo’y magbabago
pinag-aagawan ang mumo at buto;
May mga saganang hangad ay manloko
at ang mga dukha’y aping-api rito!
Hangad nating lahat maligayang bayan
at ang Bagong Taon maging iba naman;
Subali’t paanong gaganda ang buhay
nakikita rito’y pawang kasamaan?
Pagmasdan mo lamang ang buong paligid
mga taong sukab aali-aligid —
Hindi masiyahan sa sweldong maliit
malalaking sweldo’y iba ang daigdig!
Iilan na lamang ngayo’y sumusunod:
“kakanin ay mula sa sariling pagod”;
Bundok at taniman ngayoy pinapanot
sa hangad kumita kahit walang kayod!
Mga susong bukid at ibang pagkain
dahil sa abono ay nalason na rin;
Umunlad ang palay lumaki ang butil
nang maging bigas na’y lasang fertilizer!
Kaya nga paanong ngayong Bagong Taon
magiging iba na takbo ng panahon?
Hindi asal tao ang narito ngayon —
mayama’t mahirap masama ang layon!