MABABAGO ang pagtingin ng sambayanan sa ating mga pulitiko dahil sa insidente sa Valley Golf and Country Club sa Antipolo City noong Disyembre 26 kung saan binugbog ni Mayor Nasser Pangandaman ng Masiu, Lanao del Sur at mga kasamahan ang 56-anyos na golfer na si Boy de la Paz at 14-anyos na anak na si Bino. Ginawa pa ni Mayor Pangandaman ang pagmalupit sa kapwa sa harap ng amang si Sec. Nasser Pangandaman Sr., ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Siyempre mga suki, bugbog-sarado ang mag-ama sa golf course kung saan ang mga disenteng tao lang ang namamalagi. Mabuti na lang at hindi sila binaril ng mga bodyguard ni Mayor Pangandaman at pag nagkataon hindi na nila masilayan ang Bagong Taon. Ginulpi ang mag-ama sa harap mismo ng 18-anyos na anak na babae na si Bambee na walang magawa kundi magsusumigaw at magmakaawa para tigilan na ang pagmamalupit sa ama at musmos na kapatid.
Ganyan na ba ang mga taong ipinagkatiwalaan natin at ng ating mga pamilya ng ating kinabukasan? Kaya sa ngayon, ang isinisigaw ng pamilyang De la Paz ay HUSTISYA. He-he-he! Tiyak mahirap makamtan ng pamilyang De la Paz ang hustisya dahil maging ang management ng golf course eh ayaw madawit sa gulo.
Masayang naglaro ng golf ang pamilyang De la Paz bandang 1:30 p.m. noong Disyembre 26. Hindi nila alam na mag-uugat ito ng kaguluhan dahil sa pagkaalam nila mga disenteng tao lamang ang naglalaro ng golf. Habang nasa 3rd hole ang magkapatid sa South course ng Valley Golf may dalawang golf carts na nag-overtake sa flight nila at nag-tee off pa para sa susunod na hole.
Sa gold etiquette kasi mga suki, hindi ito puwede. Kaya ang ginawa ni Boy ay nilapitan ang tropa at tinanong kung bakit ginawa nila ito. May sumagot na kasama ng grupo ang flight na nauna sa magkapatid. Matapos ang 5th hole, nagpunta na ang magkapatid sa teehouse kung saan ang mga nasa flight na sa unahan nila ay nandoon na at kausap ang marshall.
Dito na nilapitan ni Mayor Pangandaman si Boy at nagtalo sila na humantong sa pambubugbog nila sa hindi lumalabang golfers. Habang nakahiga sa lupa si Boy at ginugulpi ng apat o limang kalalakihan. Nagmamakaawa si Bino na tigilan ang pananakit sa ama subalit sinuntok pa siya ni Mayor Pangandaman sa mukha. Dapat pala dito ke Mayor Pangandaman ay magboksing na lang at baka magkapera pa siya tulad ng idol ko na si Manny Pacquiao.
Me umawat sa tropa ni mayor at ang buong akala ni Bambee tapos na ang trouble. Hindi pa pala.
Nagsadya ang mag-ama sa clubhouse para mag-file ng reklamo. Siyempre, naghanap din ng doctor si Bino at ama na halos gulapay na. Dumating si mayor at mga kasamahan at muling ginulpi ang mag-ama. Pinadapa ni mayor at kasama niya si Boy sa lupa at habang hawak ang dalawang paa niya ay ipinatong ang mga paa nila sa dibdib ng matanda.
Habang inaawat ang tropa ni mayor, dumating ang nanay ni Bambee at ang isa pa niyang kapatid na lalaki. Pero kahit galit sila, hindi nila makuhang ipaghiganti ang mag-ama dahil bumunot ng baril ang dalawang bodyguard ni mayor.
Si Secretary Pangandaman? Kayo na ang bahalang maghusga sa kanya mga suki.
Abangan!