Paskong walang diwa

Tatlong araw na lang at dito’y Pasko na

Lahat tayo’y dapat na maging masaya;

Subali’t sa ngayon ay hindi Makita

Ang diwa ng Pasko lalo na ng dukha!

Kalagayang ito’y nakapanlulumo

Sapagka’t ang dapat masaya ang Pasko;

Sa mga tahanan ay waring nagtampo

Masarap na lasa ng hamon at keso!

At saka sa ngayo’y iba ang paligid

Dahil naghihirap ang buong daigdig;

Bumagsak ang yaman ng United States

Kaya pati ngayo’y waring naggigipit!

Kaya may prediksyong ang Paskong darating

Hindi na masaya sa tahanan natin;

Magulo ang bansa –- mahal ang bilihin

At ang mga dukha ay walang makain!

Kung di magbabago itong sitwasyon

Hindi na maingay pati Bagong Taon;

Malungkot ang lahat sa baya’t sa nayon

Pagka’t buong bansa’y nagsasalat ngayon!

May mga magulang na dati’y sagana

Pabrika’y nagsara – nawalan ng kita;

Mga batang anak ay nakatunganga

Wala ng laruan at wala ring pera!

May mga tao pang dahil sa kawalan

Masamang gawain ang pinapasukan;

Sila’y sumasama sa mga nakawan

Ang iba’y nagdroga -– bagsak sa kulungan!

Sa mga tahanang maliit, malaki

Pawang kaguluhan doo’y naghahari;

Ang pagmamahalang dati ay kalimpi

Kahi’t Paskung-Pasko’y iba na ang uri!

Kaya ang tanong ay kailan babalik

Ang diwa ng Pasko sa ating paligid?

Bakit ba naglaho ang Paskong marikit

Na dati’y kay saya sa puso at isip?

Show comments