AYON kay Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales, ang pagpayag daw natin na ipagtiwala sa Con-Ass ang pagbago ng Saligang Batas ay parang katulad na rin sa aksyon na pinagkakatiwala natin ang ating anak na dalaga sa isang rapist.
Halos humingi pa ng katawaran ang ating mahal na Cardinal sa kanyang matalas na pagsasalita, ngunit sa totoo lang, tama siya at talagang natumbok niya ang damdamin ng taumbayan sa kanyang sinabi.
Ang sinabi ni Cardinal Rosales ay halos katulad din ng sinabi ng yumaong columnista na si Louie Beltran noon, na ang pagtitiwala sa mga masasamang tao ay katumbas ng paglalagay kay Dracula na maging tagapangasiwa sa Blood Bank (just like putting Dracula in charge of the Blood Bank).
Ito na yata ang mga signos ng ating panahon. Noong isang linggo, si Senator Mar Roxas, isang tao na kilalang maingat sa kanyang pananalita ay narinig natin na nagmura sa kanyang pagsalita sa rally.
Siyempre, nag-react ang Palasyo sa sinabi ni Sen. Roxas, ngunit sa totoo lang hindi naman niya minura si Mrs. Gloria Arroyo. Ang minura niya ay ang kinilala niyang “Forever Gloria Constitution”. Ganoon din si Cardinal Arroyo, ang tinawag niyang rapist ay hindi si Mrs. Arroyo, kundi ang mga mambabatas na tumutulak sa Con-Ass.
Dalawang marangal na tao, magkaiba ang sinabi sa dalawang magkahiwalay na okasyon. Kaya lang, may kaugnayan ang kanilang mga sinabi, dahil ang tinutukoy ni Sen. Roxas na “Forever Gloria Constitution” ay patutunguhan din ng Con-Ass na tinutulak ng mga rapist ayon kay Cardinal Rosales.
Habang naging matalas na ang salita ni Cardinal Rosales, tila maingat pa rin ang mga salita ni Bro. Mike Velarde tungkol sa Cha-cha, kaya nahahalata naman na naninimbang lang siya marahil dahil napipilitan lang siyang sumabay sa kum- pas ng panahon.