EPEKTIBO ang inilatag na siguridad ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Director Leopoldo Bataoil para maprotektahan sa mga kriminal ang mga magsisimbang gabi sa Metro Manila.
Dahil sa inilatag ni Bataoil, dalawang magkakasunod na enkuwentro ang naganap sa Quezon City kamakalawa ng madaling-araw lamang. Nakabawi ang Quezon City Police Department nang mapatay nila ang tatlong holdaper ng pampasaherong jeepney sa Biak-na-Bato sa likuran ng Sto. Domingo Church. Nanlaban ang mga suspek sa mga pulis na nagroronda sa naturang lugar.
Napilitan umano ang mga pulis na gumanti ng putok nang bigla silang pagbabarilin ng mga holdaper nang ma susukol na nila sa madilim na bahagi ng kalye. Narekober sa mga holdaper ang caliber .38 at isang granada.
Kahapon din ng madaling-araw, muling ipinakita ng mga tauhan ni QCPD director Senior Supt. Magtanggol Gatdula ang kanilang agarang kilos sa tawag ng nagngangalang Christopher Gayuma na inagawan ng motorsiklo habang umiihi sa pader. Agad nagpakalat ng mga tauhan si Gat-dula. Naispatan ang mga suspek sa kahabaan ng Timog Avenue at sinita ng mga pulis subalit humarurot patungong Scout Limbaga, Barangay Sacred Heart. Doon na nagpalitan ng putok.
Katulad ng unang pangyayari sa madilim na naman naganap ang enkwentro kaya walang nadamay na mamamayan. He-he-he! Ganyan kaingat ang mga tauhan ni Gatdula sa pagpatay este pakikipagsagupa sa mga halang ang kaluluwa di tulad ng mga pulis na nasangkot sa sagupaan sa Parañaque City noong Disyembre 5.
Matapos ang putukan, nakabulagta ang magkapatid na motornapper na nakilalang sina Rodelio at Elorde Salvador. Armado sila ng 357 at 38 kalibreng baril.
Talagang maaasahan ang mga tauhan ni Gatdula dahil pawang sa ulo ang mga tama ng mga namatay. Yan ang bunga nang walang humpay na pagsasanay sa gatilyo ni Gatdula sa kanyang mga kapulisan.
Dahil diyan tinitingala sa ngayon ng mga taga-Metro Manila si Genera Bataoil. Bukod sa magaling na spokesman ng Philippine National Police (PNP) eh magaling ding crime buster.
Kayong mga halang ang bituka, mag-isip-isip muna kayo bago bumanat sa Metro Manila at baka matulad kayo sa mga bumulagtang kawatan! Di ba mga suki?
Si Bataoil at Gatdula na kaya ang kasagutan sa matagal nang problema ng lipunan? Abangan!