HINDI lamang sa Pilipinas may mga corruption at kalokohang nangyayari. Dito man sa Tate ay mayroon ding corruption. Noong isang araw, inaresto si Illinois Gov. Rod Blagojevich dahil sa pagbebenta ng dating posisyon ni President-elect Barack Obama bilang state senator ng Illinois. Ayon sa batas, ang governor lamang ang may karapatan na magtalaga nang ipapalit sa nabakanteng posisyon bilang senador.
Inilalako raw ni Blagojevich ang dating posisyon ni Obama. Walang binanggit na mga pangalan kung sino ang pinag bibilhan ng nasabing posisyon. Sinabi lamang na hinuli si Blagojevich at iniimbestigahan ang kaso.
Sa panahong ito, maaari kayang mangyari ang ganito sa Pilipi-nas lalo na’t ang gobernador na nasasabit ay kapartido ng mayoriya sa Kongreso at kababayan ni Obama? Never in the Philippines!
Si Blagojevich ay pinagsususpetsahan pa lamang ng corruption, inaresto na kaagad. Sa Pilipinas, idinuduldol na sa mukha ang arrest order base sa mga matitinding ebidensiya, babalewalain pa ang summons. Hindi nila babakantehin ang kanilang opisina at haharangan ng kanilang mga tauhan at supporters ang Kapitolyo para hindi makapag-opisina ang kapalit. Madalas mangyari ang ganito sa Pilipinas.
Dapat mawala na ang ganito sa Pilipinas. Dapat sumunod sa batas ang lahat. Kung tutuusin, hindi na natin kailangan ang mga bagong batas dahil marami nang batas na maga galing. Hindi nga lamang sinusunod. Dapat matuto tayong irespeto ang karapatan ng ibang tao at hindi lamang ang ating sarili. Dapat hasain ang moralidad ng mamamayan na lubhang kailangan para umasenso ang buhay.