EDITORYAL - Saan patungo ang fertilizer fund scam?
KUNG gaano ang panggigigil at pagpupumilit noon ng Senado na mapagsalita si dating Agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante sa P728-milyong fertilizer fund scam ngayon ay lumambot na sila at tila wala nang mangyayaring maganda pa para malaman ang katotohanan sa kontrobersiyal na kaso. Ang fertilizer fund scam ay maaaring mapabilang na sa mga kaso na ililibing sa limot. Katulad din ng iba pang kontrobersiyal na kasong pinatakaw lamang ang mamamayan. Pinaasa lamang na may opisyal na mananagot sa kanilang iniimbestigahang kaso na sa dakong huli ay wala naman pala.
Nang arestuhin si Bolante noong hatinggabi ng December 4 sa opisina ng kanyang abogado sa Makati, tila gagawa nang malaking pangalan si Sen. Richard Gordon. Siya ang matiyagang naghintay kay Bolante sa Senado para ilagak ito sa basement. Hinuli at kinulong si Bolante sa basement ng Senado dahil sa walang tigil na pagsisinungaling. Sabi pang mariin ni Gordon, mananatili sa pagkakakulong sa Senado si Bolante hangga’t hindi ito nagsasabi ng totoo. Ang Malacañang naman ay nagsabing sa basement ng Senado na magseselebreyt ng Pasko si Bolante.
Halatang banas na si Gordon sa dating Agriculture official. Ang iba pang senador na banas na at nagsasawa na sa pagsisinungaling ni Bolante ay sina Senators Jinggoy Estrada at Mar Roxas.
Pero kamakalawa ay biglang nagbago ang ihip ng hangin at hindi na umabot ng Pasko sa basement ng Senado si Bolante. Malaya na siya. Sampung senador ang bumoto para palayain si Bolante. Kabilang sa mga bumoto para palayain si Bolante ay si Gordon, Estrada at Roxas. Nasaan na ang bangis ng kanilang dila at tila nagkabuhul-buhol na. Lumambot na sila at tila nagsawa na sa patuloy na pagta-tanong na pawang kasinungalingan lamang pala ang tinutugon. Kabilang pa sa mga bumoto ay sina Senators Enrile, Biazon, Revilla, Madrigal, Angara at Honasan.
Malaya na nga si Bolante at sa bahay niya siya magki-Christmas. Ang ginawa ng Senado ay isang malaking kamalian. Paano pa pagtitiwalaan ang Senado kung sila na rin mismo ang lumabag sa sarili nilang utos. Saan patungo ang fertilizer scam?
- Latest
- Trending