^

PSN Opinyon

EDITORYAL - I-deploy ang parak kahit hindi X'mas

-

HINDI natutulog ang mga kawatan. Kapag nakakita ng pagkakataon ay sasalakay at mambibiktima  ng mamamayan. At nakapagtataka naman ang Philippine National Police (PNP) kung bakit tuwing nalala­pit ang Kapaskuhan saka lamang tila nagbubuhos ng kanilang effort para mapangalagaan ang kaligta­san ng shoppers. Kahit hindi Pasko ay sumasalakay ang mga kawatan kaya hindi dapat magpatulug-tulog ang PNP. Magbantay kahit hindi Pasko.

Kahit hindi Pasko ay nasa Divisoria, Carriedo, Bac­la­ran, Cubao, Commonwealth at iba pang matataong lugar ang mga holdaper, snatcher, slasher at iba pang kawatan. Abala sila sa pambibiktima. Iba’t ibang para­an ang kanilang ginagawa para makakulimbat sa shoppers.

Sa Divisoria at Carriedo ay karaniwan na lamang ang Pitas Gang. Karamihan sa kanila ay umaastang pedi­cab driver. Nag-aabang sila sa mga pasahero ng dyipni na nakatigil dahil sa trapik. Kapag naispatan ng miyembro ng Pitas Gang ang hikaw ng babae (karaniwang matandang babae ang binibiktima) sasalakay na siya at mabilis na pipitasin ang hikaw. Iglap lang at napitas na ang hikaw. Walang anumang maglalakad ang kawatan. Sa di-kalayuan, naroon ang presinto ng pulis.

Karaniwan na ang holdapan sa mga nabanggit na lugar. Aakbayan lamang ang taong naglalakad at saka tututukan ng patalim sa tagiliran. Iglap lamang at natangay na ang pera ng kawawang shopper. Hindi lamang sa Divisoria at Carriedo nangyayari ang ga­nito kundi maging sa Baclaran, Cubao at Commonwealth area. Maraming tao sa mga nabanggit na lugar. Paboritong destinasyon ng mga tao at natural na paborito rin ng mga holdaper, snatcher at Pitas Gang.

At ngayon ngang nalalapit na ang kapaskuhan, ibinalik na naman ng National Capital Region Police Officer (NCRPO) ang kanilang Santa Cops. Idineploy noong isang araw ang mahigit 200 pulis sa mga matataong lugar sa Metro Manila na paboritong pun­tahan ng mga tao para mamili. Sabi ni NCRPO chief Leopoldo Bataoil, ang mga pulis na nakasuot-Santa Claus ang magbabantay sa mga shopper para masi­guro ang kanilang kaligtasan. Hindi lamang daw ang mga malls at matataong pamilihan ang babantayan ng Santa cops kundi pati na rin ang mga terminal ng bus at iba pang establishments. Ang pagde-deploy ng    Santa cops ay ginagawa raw taun-taon ng NCRPO.

Pero hindi ba magagawa ng NCRPO na gawing palagian ang pagbabantay ng mga pulis sa mga matataong lugar kahit hindi Pasko. Bakit tila mas nakatuon lamang sila sa pagbabantay kapag sasapit ang Pasko gayong araw-araw ay nakaantabay naman ang mga kawatan. May pinipili bang okasyon ang pagprotekta sa mamamayan?

CARRIEDO

CUBAO

DIVISORIA

IGLAP

KAHIT

PASKO

PITAS GANG

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with