MADALING intindihin ang hangad na baguhin ang Konstitusyon o Cha-cha. Ang Saligang Batas ng 1987 ay dokumentong pinanday sa apoy ng galit sa isang abusadong rehimen. Hindi maiwasang magkaroon ng probisyon na hindi na angkop sa paglipas ng panahon. Una na rito ang mga tinatawag na economic provisions, lalo na ang naglilimita sa “investment” ng dayuhan.
Maraming nagtutunggaling opinyon sa pagpatuloy ng Pilipino First o Pilipino Only policy sa ilang industriya. Dahil sa pagbabago ng panahon at sa karanasan ng ibang bansa, umiinit ang usapang “liberalization” o pagluwag sa dating istriktong patakaran. Tanggap ng bansa ang pagkadalubhasa ng mga pinili ni Pres. Cory Aquino na sumulat ng 1987 Konstitusyon. Subalit tanggap din ng marami na ang pangangailangan ng panahon ay nagbabago. At hindi nakakatulong sa usapan na wala ni isa sa kanila ang hinalal ng bayan. Ito’y butas na laging dinidiin ng kritiko.
Para sa Report Card, ok nang repasuhin ang Saligang Batas. Lahat ng bansa’y dumaan na sa pag-amyenda ng Konstitusyon –- maging ang United States na modelo natin ay nakailang amyenda na rin. Para wala nang sisihan, mas magandang papiliin ang mismong mamamayan ng kani-lang delegado. Kung gusto ng HOUSE ng Con-Ass, ok lang dahil halal din naman ng bayan ang mga kongresista at senador. Kung Con-Con tulad ng gusto ng Senado, mas lalong ok!
Ang hindi OK ay kung ipilit na ipatupad ito bago mag-2010. Sa loob ng apat na linggo ay papatak na tayo sa 2009. Walang mabigay na dahilan ang mga pro-Cha-cha kung bakit kailangan ito matapos bago mag-2010. Buti sana kung puro mukha ng oposisyon ang bumabandera sa kampanya. Pero mismong ang anak ni Gng. Arroyo ang nangunguna sa pagkalap ng pirma. Hindi maitago na ang motibo ng kampanyang Cha-cha ay tanggalin ang limitasyon sa termino ng Pangulo at patagalin sa puwesto si Gng. Arroyo.
Walang maaasahan ang Palasyo na pag-unawa ng bayan sa kanilang masamang hangarin. No problem! Kailan ba naging mahalaga sa Palasyo ang pag-unawa ng bayan?
CHA-CHA? GRADE: CHE!