NGAYONG malalaking rollback na ipinatupad ng mga kompanya ng langis, ang Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) naman ang kumikilos para patigilin ang tuloy-tuloy na pagbaba ng presyo ng langis sa pamilihang pandaigdig.
Nagsalita na ang OPEC na pag-uusapan nila sa isang buwan kung babaguhin nila ang kasalukuyang paggawa ng langis, para bumalanse ang merkado at presyo ng nasabing produkto. Dapat magpantay lang daw ang kailangan ng mundo at ang kanilang paggawa, para hindi tuluyang sumadsad ang presyo.
Kapag nababawasan ang pangangailangan ng mundo ng langis, kasabay na ang maraming supply nito, siguradong bagsak ang presyo. Sa madaling salita, baka magbawas na sila ng produksyon ng ilang milyong bariles ng langis araw-araw.
Nakatikim na kasi ang mga kompanyang ito nang matinding kita noong pumalo ng $147 kada bariles ang langis.
Ang balita nga, literal na nagtatapon na ng pera ang mga opisyal ng OPEC sa dami ng pumapasok na rentas! Pero ngayon, $100 na ang nawala sa presyo, nagpaplano na rin sila ng mga kilos. Ganyan talaga kapag nasanay sa masarap at masaganang buhay. Kapag nawawala na, nagpapanik na rin. Ang mahirap lang, para manatili ang kanilang mga kita sa lebel kung saan kumportable na sila, tayo naman ang kailangang maghirap.
Ganyan kamakapangyarihan ang langis. Sa ngayon ay wala pang makakapgpalit dito bilang gatong ng industriya at pang araw-araw na kabuhayan nating lahat. Pero sa kabila nito, hindi ito walang katapusang produkto.
Sa Dubai nga, ang estimate nila ay mauubos na ang kanilang likas na langis sa taong 2016. Kaya ngayon pa lang ay nagpapalaki na sila ng ibang industriya, turismo. Ganyan ang mga magagaling na negosyante, marunong kumambiyo kapag kailangan na.
At para sa isang bansa katulad natin na wala namang langis, dapat unti-unti na rin tayong lumilihis sa uri ng gatong na ito, at tumingin o kaya’y pag-aralan ang mga iba pang uri ng enerhiya at gatong. Baka hindi magtagal ay pumalo na naman sa $100 ang presyo, kung kailan mahina pa naman ang ekonomiya.
Sana nga matapos na ang taong ito, at baka naman mas maganda ang hinaharap natin sa 2009. Kung magsisimula ang taon sa murang gasolina, baka nga may pag-asa pang makaahon sa kasalukuyang krisis na pumepeligro sa buong mundo!