SA top 5 na puwesto sa ating pamahalaan, President, Vice President, Senate President, Speaker of the House at Chief Justice, ang unang apat ay pawang mga elective positions. Ibig sabihin ang pasya ng mga botante ang batayan sa pagpili ng hahawak ng puwesto. Ganito talaga ang sistema sa isang republikanong demokrasya tulad ng Pilipinas. Walang kasiguruhan na kung sino ang pinakamagaling, matalino, edukado at premyado ay siya ring tatanghaling panalo. Sa panahon ngayon, kung saan nakalalamang sa eleksyon ang mga tanyag na personalidad, kapag ang mapiling uupo ay siya ring pinakakuwalipikado sa lahat, bonus na yun.
Nung Lunes ay nakatanggap ng napakalaking bonus ang bansa nang tanghaling Presidente ng Senado si Juan Ponce Enrile. Si Enrile ang pinakarespetadong miyembro ng mataas ng kapulungan hindi lamang dahil sa kanyang seniority (edad 84 at nasa pangatlong term bilang senador) kung hindi rin dahil sa tagal niyang naglingkod sa ating mga Pilipino. Una siyang nanungkulan bilang Undersecretary of Finance noong 1966, ngayong 2008 ang 42nd year ng serbisyo publiko ni Manong Johnny. Sa mga below 35 ang edad, mas nakilala siya bilang arkitekto ng EDSA 1. Limang Presidente na ang nakatermino ni JPE. Pero ang tunay na katwiran kung bakit siya iniidolo ng kapwa senador ay dahil sa kanyang -– pahiram muna Sen. Manny -– sipag at tiyaga. Si Enrile ay kabilang sa tinatawag na old school na mga pulitiko. Dahil sa lawak ng kaalaman ay alam ang lahat ng pag kukulang ng sistema. Hindi siya maiisahan. Sa mga nagtiwala na susuri-suriin at hihimay-himayin ni Enrile bilang senador ang mga panukalang batas, lagi itong nasusuklian ng magandang performance dahil siya’y parating handa sa mga debate at, kahit super senior na, hindi ito nag-aabsent. Sa kabila ng lahat ng ito, si Enrile rin ang pinakakuwalipikado sa larangan ng academic credentials (UP at Harvard, at Bar Topnotcher). Karapat-dapat lang papremyuhan ng bansa si JPE.
May panibagong sigla ang Legislative Branch. Mayroon ding pangamba sa larangan ng Cha-cha o sa mga imbestigasyon ng Senado. Iisa ang sigurado –- ngayong si Enrile ang may hawak ng manibela, ang biyahe’y mas masaya.
SENATE PRESIDENT JUAN PONCE ENRILE GRADE: 94