DAPAT patawan nang pinakamabigat na parusa ang human traffickers na nambibiktima sa mga kaawa-awang kababayan.
Ito ang mariing panawagan ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment.
Partikular na hinihikayat ni Jinggoy na gumawa ng ganitong hakbang ang mga bansang kasama ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), tulad ng Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos PDR, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand at Vietnam.
Ayon kay Jinggoy, kailangang lagyan ng ngipin ng ASEAN countries ang kanilang “Declaration Against Trafficking in Persons Particularly Women and Children” na pinagtibay at nilagdaan sa 10th ASEAN summit na ginanap noong 2004 sa Laos PDR.
Sa kabila kasi aniya ng naturang deklarasyon ay lalo pang lumala ang human trafficking sa ilang mga bansa sa rehiyon na karaniwang pinupuntahan ng mga OFW.
Sa “June 2008 U.S. State Department Trafficking in Persons Report” ay nakasaad na ang Pilipinas ang isa sa mga bansang pangunahing pinagmumulan ng mga kababaihang ibinubulid sa prostitusyon at trabahong parang alipin sa Japan, Malaysia, Singapore, Hong Kong at South Korea.
Ang Department of Foreign Affairs din ay iniulat ang “all-time high” na bilang ng mga Pinay na nabiktima ng human trafficking patungong Singapore kung saan umabot na ito sa 212 kaso noong 2007, mula sa 125 noong 2006, at 59 noong 2004.
Kamakailan naman, naaresto sa Malaysia si Lim Beng Wat alyas Alfred Lim, isang Singaporean na nagta-traffic ng mga Pinay at iba pang nasyunalidad.
Base sa datos, ang mga Pinay na nabiktima ng human traffickers ay umaabot na sa 400,000, kung saan humigit-kumulang na 100,000 nito ay mga bata.
Ayon kay Jinggoy, dapat gawing konkreto ng ASEAN countries ang kanilang deklarasyon laban sa human traffickers, at patawan ang mga ito nang pinakamabigat na parusa tulad ng habambuhay na pagkabilanggo, o kahit bitay doon sa mga bansang nagpapatupad ng capital punishment.