MARAMI nang malalaking isyu sa bansa ang gi-nugulan ng pagod at pera ng Senado. Pero nadismaya ang taumbayan sapagkat sa umpisa lamang pala mainit ang balitaktakan. Pinasabik ang mama mayan na nanonood sa telebisyon na para bang mayroon nang mabibitay dahil sa kanilang estilo ng mga pagtatanong. Pero sa dakong huli, wala palang mapatutunayan at lalong walang naparusahan.
Isa sa mga magandang halimbawa ay ang imbestigasyon sa ZTE-NBN deal noong nakaraang taon. Nasaan na ito? Nawala na ang bango ni Jun Lozada? Maski ang anak ni dating House Speaker Jose de Venecia ay ang impeachment na ang inaatupag at hindi ang una nilang pinaputok na isyu nang “bukulan” at “tongpats”. Wala na ang isyung ito na yumanig sa bansa.
Ngayon, dalawang malalaking isyu ang pinagkakaabalahan ng Senado sa kasalukuyan — ang “fertilizer fund scam” at ang “euro generals”. Isinalang na si dating Agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante. Giniling siya ng mga senador ukol sa P728-milyong fertilizer fund scam. Pero nadismaya ang mga senador nang sabihin ni Bolante na walang anomalya sa disbursement ng pondo. Inamin niya ang pamamahagi ng pondo sa 159 na local government officials apat na buwan bago ang 2004 presidential elections. At mariing sinabi ni Bolante na walang kinalaman si President Arroyo sa pagre-release ng pondo. Wala aniyang papel ang Presidente sa fertilizer fund. Muntik nang magsikip ang dibdib ni Sen. Miriam Defensor-Santiago at naghimutok na lamang ang iba pang senador. Hindi raw kapani-paniwala si Bolante.
Kahapon ay humarap na sa Senado si retired general at comptroller Eliseo dela Paz. Giniling din siya ng mga senador ukol sa 105,000 euros na nasamsam sa kanya habang nasa Moscow airport nang dumalo sa police convention. Unang sinabi ng DILG at PNP na contingency fund ang perang dala ni Dela Paz. Pero sabi naman ni Dela Paz, cash advance raw. Muling sinabi ng PNP na intelligence fund daw ang pera. Noong isang araw, sumulpot naman ang isang lalaki at sinabing kaibigan siya ni Dela Paz. Nagbigay daw siya ng 45,000 euros kay Dela Paz para ipambili ng mamahaling relo sa abroad.
Katulad ni Bolante wala ring napiga kay Dela Paz. Maraming tanong na hindi nasagot. Magkakaroon pa ng mga pagdinig sa dalawang malalaking isyu at meron na sanang maipakitang liwanag ang mga senador. Wala na sanang malabo.