MALAKI ang naitulong sa amin ni Mr. Boy Abunda. Ilang taon na ang nakalilipas, nag-aral kami sa kanya ng TV hosting sa ABS-CBN. Pagkatapos, inisip ni Kuya Boy ang konsepto ng aming public service TV show, na pinangalanan niyang Makabayang Doktor. Dito, nanggagamot kami ng libre sa mga mahihirap na pook. Maganda naman ang naging resulta.
Noong nag-meeting kami, naitanong ko kay Kuya Boy ang lagay ng kalusugan niya. “Hindi ko alam, siguro OK,” ani niya. Na-check ko ang blood pressure ni Kuya Boy at puma-tak sa 140 over 90. Medyo mataas. Inulit ko ito, at ganoon din ang lumabas. Ang sabi ni Kuya Boy, “Sa mga nasa media, normal na iyang 140/90.” “Ganoon ba?” wika ko.
Bukod sa altapresyon, isa pang “normal” sa mga taga-media ay ang sigarilyo. Laging kinakatwiran na kasama iyan sa trabaho, kapag nag-eedit, nagpo-produce, o nagsusulat.
Naninigarilyo ba si Boy Abunda? “Dati oo,” sabi niya, “pero I stopped already. Ganoon lang. Noong nakita ko kasing masama, hininto ko na.”
Sa aming pag-uusap natanong ko rin ang plano ni Kuya Boy. Ang pangarap pala niya ay ang mag-TV host sa Asia. Madalas nang binalak pero di lang maisingit sa schedule.
Hirit ko pa, “Balak mo ba na pumasok sa pulitika?” “Wa-lang plano, pero maybe later on. Para lang masabi na nasubukan ko rin iyon,” deretsong sagot ng tanyag na TV host.
Habang kami’y nag-uusap, dumating na ang order naming ensalada, cream cheese at isda. Masarap kumain si Kuya Boy, pero konti lang. “I’m watching my weight kasi.”
Nagpasalamat kami sa kanya sa tulong niya sa Makabayang Doktor Foundation, kung saan siya ang Honorary Chairman. Naiintindihan ni Kuya Boy ang layunin namin sa paglabas sa TV o sa pagsusulat sa diyaryo.
“Kung gusto ninyong lumawak ang pagtulong ninyo sa iba, kailangan kilala kayo. Kung hindi ay mahirap palawakin ang mga charity projects. Ito ang dahilan kung bakit ko kayo tutulungan.”
Kami ni Dra. Liza, star-struck na lang sa sobrang bait niya. God bless and thank you, Kuya Boy.
* * *
(E-mail: drwillieong@gmail.com)