NOONG Martes, ibinoto ang ika-44 na Presidente ng United States. May bagong pahina ang kasaysayan ng US sa paghalal ng kauna-unahang itim na Presidente — si Barack Obama!
Nakita na naman kung paano dapat magpatakbo ng isang election na mabilis, maayos at walang bahid ng pagdududa. Mga resulta na nalalaman sa ilang oras lamang, at hindi sa ilang linggo o buwan pa nga! At wala rin tayong nabalitaan na kandidatong binaril, pinatay o tinangkang patayin o saktan noong panahon ng pangangampanya! Malayo pang mangyari sa pulitika ang ganyang tahimik na pangangampanya! Marami pa ang pinagkaiba ng eleksyon sa US sa RP. Nandiyan ang kahalagahan ng tinatawag na electoral votes -– na mahirap talagang intindihin. Hindi lang paramihan ng boto, kundi may mga lugar na mas mabibigat ang boto kaysa sa iba, depende sa laki ng estado at dami ng populasyon. At hindi rin ibinoboto ang vice president. Kasama na siya sa mananalong president. Dito hindi mangyayari iyan, kaya puwede talagang magkaaway ang president at vice president habang sabay nilang pinatatakbo ang bansa! At isa pang pagkakaiba sa atin, mga pagsusuri bago maganap ang eleksyon at ng mga exit poll ay halos ipakita na kaagad kung sino na ang mananalo. Dito, maraming milagro pa ang puwdeng mangyari bago malaman kung sino na ang nanalo.
Pero may saysay ba sa ordinaryong Pilipino ang bagong President ng US, lalo na sa panahong ito na tila kapit-kuko na lang ang karamihan para makaraos lang? May mga ekspertong pulitikal na nagsasabi na si Obama, ipinanganak sa Illinois at tumira sa Hawaii, ay makakabuti para mga minoridad, kasama na ang mga taga-Asya. Ang Illinois ay pangalawa sa states na may pinakamaraming Pilipino. Tumagal siya sa Hawaii kung saan marami ring Pilipino. Kaya sa tingin ng marami, mas mailalapit ang mga daing at isyu sa kanya, dahil sanay na sa mga Pilipino, mga minoridad, mga taga-Asya. At katayuan ni Obama ang hindi makialam sa mga problema ng ibang bansa kung hindi naman kaila ngan, at hindi pala-digmaan ang paniniwala. Tila natuto na sa mga kapalpakan ni George W. Bush!
Sa isang dako, ayon kay UP Prof. Felipe Medalla, kung nanalo man si McCain, mas bukas siya sa pagpasok ng mga dayuhan sa US, maluwag na pangangalakal sa mundo at pagtatayo ng trabaho sa labas ng US. Pero may pagka-walang galang kasi si McCain, mainitin ang ulo at may mga okasyon na hindi popular kahit sa mga kakampi. Gawa na siguro ng kanyang karanasan sa pagiging sundalo noong digmaan sa Vietnam. Parang may kilala akong Presidente na ganyan na ganyan din, pero wala namang digmaang nilabanan!
Pero para kay Obama, na ngayo’y pinuno ng pinaka-makapangyarihang bansa, tila isang magulo at malaking sakit ng ulo ang mamanahin. Ano ang mga magiging programa niya at solusyon, para magpatupad ng pagbabago sa isang mundo na hinahagupit nang malawakang krisis ekonomical at digmaan sa ilang lugar? Kahit Republicans — mga kalaban sa pulitika ni Obama – ay sang-ayon sa pananaw ni Prof. Medalla na si Obama ay nasa tamang lugar, sa tamang panahon. Pa niniwala ni Medalla na habang si McCain ay mabuti rin sana para sa Pilipinas at mga Pilipino, ang mga pangmatagalang benepisyo ay maibibigay ng mas kalmadong si Obama. Ang mga imahe niya na kalmado sa gitna ng kaguluhan, pagkaka-isa sa gitna ng salunga- tan at mga pagbabago, ang naglagay sa kanya sa White House.