HINDI lang ang $330-milyong overpriced pero walang silbing national broadband network ang kinontrata ng Malacañang sa ZTE Corp. ng China. Pati pala minahan ng ginto sa Mount Diwalwal at North Davao, parehong sa Compostela Valley, ay ibinalato. At labag ito sa Konstitusyon.
Inamin ni DTI Sec. Peter Favila sa Senado nitong Marso 2008 na may pinirmahan siyang memo of understanding nu’ng Hulyo 12, 2006. Nag-witness si noo’y presidential chief of staff Mike Defensor; sa kanilang panig ay si ZTE International president Yu Yong at chairman Hou Weigui. Saad ng kontrata na ang $4-bilyong investment ng ZTE ay papasok sa NBN, eskuwelahang information-telecommunications, special economic zone sa Davao City, at pagmimina sa Diwalwal at North Davao.
Binigyan ni President Gloria Arroyo ng “special authority” si Favila na pumirma. Saad sa special authority at sa kontrata na kikilos lahat ng ahensiya ng gobyerno para isakatuparan ang napagkasunduan.
Ipinai-impeach ni Atty. Harry Roque si Arroyo dahil sa hayagang paglabag sa Konstitusyon. Ayon sa Saligang Batas, mga Pilipino lang o korporasyong hindi bababa sa 60 percent pag-aari nila ang maaring magmina. Puwede lang sumali ang dayuhan para magbigay ng technical o financial assistance, pero hindi direktang magmimina, na sinasaad sa ZTE deal.
Pinalala ng Malacañang ang sitwasyon nang itago ang kontrata sa publiko nang halos dalawang taon. Utos kasi sa Konstitusyon na kapag pumasok ang Presidente sa kasunduan sa dayuhan para magmina, dapat ay ipaalam ito sa Kongreso sa loob ng 30 araw.
Nahihilo ang Malacañang sa pagpapaliwanag sa katiwaliang ito. Sina DENR Sec. Lito Atienza at Defensor ay patuloy na pinabubulaanan ang kontrata. Pero paano nila patitigasan ‘yon, gayong nasa transcripts ng hearing ng Senado nu’ng Marso 11, 2008 na nagsumite si Favila ng opisyal na kopya, na siya naman ni-reproduce at ipinamigay ng Senado sa press.
* * *
Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com