SALA-SALABAT ang mga isyung bumabagabag ngayon sa propesyon ng nursing. Ito ang ulat ni Dr. Leah Primitiva Samaco-Paquiz, presidente ng Philippine Nurses Association na may doctorate sa education.
Dagsa ngayon ang mga tituladong nurses — halos kalahating milyon sila — pero walang trabaho. Nito kasing nakaraang walong taon, nauso kumuha ng B.S. Nursing courses dahil sa tindi ng pangangailangan sa America, Europe at Australia. Napabalita nu’ng una na napakadali magka-trabaho ng nurses, isinasama pa ng recruiters ang mga pamilya sa immigration processing, na nakukuha sa loob ng dalawang buwan lang. Kaya pati mga doktor sa Pilipinas, nag-nurse para lang makapag-OFW.
‘Yun nga lang, biglang naghigpit ang America sa pagtanggap ng nurses o kahit ano’ng propesyonal na Pilipino. Sagad na kasi sa limit na 50,000 immigrants per year lang ang tinatanggap na Pinoy, karamihan nurses, kaya sarado muna ang bintana, ika nga.
Nagpalala sa sitwasyon ang paggaya ng ibang bansa sa Pilipinas. Marami ring pinapa-graduate na nurses ang India, Korea, Singapore at Mexico, na lahat ay nais mag-abroad.
Samantala sa Pilipinas, hindi naman nadagdagan ang dami ng ospital at openings sa nurses. Sinasamantala ito ng ilang ospital. Nag-a-apply sa kanila ang mga bagong nurses para magka-experience. at sinisingil nila ang mga ito nang tig-P3,000 para mag-on-the-job training. Baliktad na ang mundo, ang nagtatrabaho ang nagbabayad sa amo. ‘Yung ibang nurses, dahil kapit sa patalim, kung anu-ano na lang na trabaho ang pinapasukan abroad.
Naglipana rin ang nursing schools ngayon. Parang mga kabuting nagsibukasan dahil sa dami ng gustong kumuha ng nursing. Pero marami rin dito ang mga palpak. Ang tataas sumingil ng tuition (pati sa review centers), pero wala naman natututunan ang estudyan te. Kaya pagkuha ng nursing board exam — bagsak. Aba’y 40 percent lang, dalawa sa bawat limang examinees, ang nakakapasa tuwing exam months ng Hunyo at Disyembre.