(Huling bahagi)
NUNG MIYERKULES naisulat ko ang kwento ng isang lalake na nasangkot sa diumano’y kasong pagnanakaw. Siya si Noel M. Cruz, 27 taong gulang at nakatira sa Marikina City. Isa siyang empleyado ng Fitness First sa Robinson’s Metro East.
Ika-27 ng Setyembre 2008 ng mawalan umano ng N82 na cellphone, 20,000 cash at isang Rolex watch, si Judge Alex Quiroz isa sa mga regular customers nila sa gym.
Si Noel ang naimbitahan sa presinto para magbigay ng statement dahil ayon sa kasama ni Judge Quiroz na si Danilo Go siya lang ang tanging tao sa locker room nung oras na nawala ang mga gamit nito.
Napilitan si Noel na sumama kahit ayaw niya. Bago sila umalis tinawagan niya muna ang asawa niyang si Filipina upang ipaalam ang mga pangyayari.
Dinala si Noel sa Eastern Police District sa Pasig at dun hiningan siya ng pahayag. Kinausap din siya ni Chief Inspector Rogelio Javier at tinanong kung bakit siya ang pinagbibintangan.
Bandang 6:30 ng gabi inimbitahan si Noel sa investigation department. Makalipas ang ilang oras napag-alaman ni Noel na dumating na si Judge Quiroz kasama si Danilo Go sa presinto. Gumawa ng sinumpaang salaysay ang dalawa na nagsasabing si Noel lang ang nakita nila sa locker room nung oras na nawala ang mga gamit ni Judge Quiroz.
Sa pagdidiin kay Noel ng complainant (Judge) at pinagtibay pa ito ng witness naging basehan ito ng mga pulis Pasig para kasuhan si Noel.
Alas-otso ng gabi ginawan na siya ng Affidavit of Arrest at sinampahan siya ng kasong Robbery at na Inquest.
Nakulong si Noel nung Setyembre 27 hanggang 29. Naglagak ng perang pampiyansa ang Fitness First na 32,000 pesos at pansamantalang pinalaya siya nung Sept.30, 2008.
Lumapit si Noel sa aming tanggapan upang humingi ng tulong na mapatunayan na wala siyang kinalaman sa nakawang nangyari.
Hinamon namin siya na sumailalim sa Polygraph Examination o Lie Detector Test. Hindi nagdalawang isip si Noel at agad itong pumayag.
October 6, 2008 sumailalim sa isang Polygraph Examination sa Philippine National Police Crime Laboratory sa Camp Crame sa patnubay ni Superintendent Gorgonia ”Gie” Sia.
Ilan sa mga deretsong itinanong kay Noel ay Ikaw ba ay naglabas ng pera, cellphone o relo sa locker ni Judge Quiroz? Marunong ka bang magbukas ng pinto ng locker gamit ang isang pick-lock? Lahat ng ito ay itinanggi niya.
Matapos ang masusing pagtatanong lumabas ang resulta ng Polygraph Examination. Ang conclusion ay ”NO DECEPTION IS INDICATIVE ON THE TEST CHART OF THE SUBJECT (NOEL CRUZ)....SUBJECT IS TELLING THE TRUTH.”
Sa isang panayam kay Supt. Sia tahasang sinabi nito na malinaw at consistent ang tracings sa graph ni Noel at wala siyang nakitang pagdudahan na maaring nagsisinungaling si Noel.
SA PUNTONG ITO mga kaibigan, at ikaw din naman Judge Quiroz, alam natin na hindi conclusive ang results ng Polygraph Examination. Hindi rin ito admissible in court subalit sa isang kaso kung saan hindi naman nahuli ”In Flagrante Delicto” o nahuli sa akto ang isang inaakusahan, maaring maging ”in aid of investigation” at pagbasehan ang resulta ng lie detector test. Tama ba your Honor?
Ang isyu dito ay hindi kung nawalan si Judge Quiroz ng mamahaling Rolex watch, o ng mamahaling N82 Nokia Cellphone unit (dahil siguro naman makapagpapakita siya ng resibo kung saan at magkano ang bili niya nito, tama ba your honor?) o bakit may dala siyang P20,000 nung araw na yun, ang isyu dito ay si Noel ba talaga ang kumuha.
Sa mga nakita kong salaysay ”circumstancial” ang ebidensya laban kay Noel dahil ang sabi nung testigo ni Judge na si Danilo Go, kahinahinala ang mga kinikilos ni Noel. Ang salitang kahinahinala ay hindi ”conclusive.”
Kung ganun pala bakit hindi sinita ni Mr. Go o pinaalis sa loob ng locker room? Ano man yun alam namin na ayaw ni Judge Quiroz na magparatang sa isang taong walang sala at higit dito ayaw ni Judge na makulong ang isang taong walang kinalaman sa nakawan.
Pinayuhan namin ni DOJ Sec. Raul Gonzalez na maghain ng Motion for Reinvestigation si Noel kay Judge Nicanor Manalo ng Branch 161 ng Pasig City.
Nung October 14, 2008 na-aprubahan naman ang Motion na ifinile at ibinabalik sa Prosecution Office upang magsagawang muli ng reinvestigation.
Binigyan namin ng abogado si Noel para makatulong sa kanya sa kanyang kaso sapagkat kami ay naniniwala na hindi siya ang kumuha ng mga gamit ni Judge Quiroz.
SIGURADO akong si Judge Quiroz ay isang reasonableng tao na maalam sa batas. Circumstanstial ang mga akusasyon ninyo sa taong ito. Nakulong siya at nagbayad ng piyansa. Sumailalim sa lie detector test at ipinasa niya. Baka naman nagkamali ang mga nagdiin sa kanya sa kasong Robbery. Gamitin ang ”Solomonic wisdom” na ipinagkaloob sa iyo ng Panginoon at makikita mo na maaring inosente ang taong ito?
PARA SA ISANG PATAS at balanseng pamamahayag tinatawagan namin si Judge Alex Quiroz upang ibigay naman ang kanyang panig.
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayong magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
NAGPAPASALAMAT kami kay Supt. Gie Sia, Supt. Nelissa Geronimo at lahat ng bumubuo ng Polygraph Division ng PNP Crime Laboratory. Mabuhay kayo d’yan!
Email: tocal13@yahoo.com