NAKAKATAKOT na ang mga kontrabandong nakakapasok sa daungan ng bansa — shabu, hazardous chemicals, karneng may foot and mouth disease at itong huli ay ang gatas na may halong melamine. At walang ibang dapat sisihin kung bakit nakakapasok ang mga kontrabandong nakamamatay — ang Bureau of Customs (BOC). Talamak na ang corruption sa Customs at maaaring marami pang delikadong kontrabando ang makakapasok kung hindi babantayan ang mga “buwaya” sa Customs. Lalo pa nga ngayong papalapit na ang kapaskuhan, tiyak na maraming kontrabando ang dadagsa.
Ang pagpasok ng mga gatas na gawang China na positibong kontaminado sa melamine ay hindi dumaan sa pagsusuri ng Bureau of Foods and Drugs (BFAD). Dalawang brand ng gatas mula China ang sinuri at napatunayang may melamine. Ang melamine na sangkap sa paggawa ng plastic products ay inihahalo sa gatas para tumaas ang protein content. Maraming sanggol sa China ang nagkaroon ng bato sa kidneys makaraang makasuso ng gatas na kontaminado.
Kung hindi dumaan sa pagsusuri ng BFAD ang mga gatas na gawang China, ibig sabihin, pinalusot lamang ang mga ito ng mga “buwayang” taga-Customs. Nakarating sa mga pamilihan nang walang kahirap-hirap at nabili ng customers. Malamang na naipasuso o kaya’y nagamit na sa mga tahanan ang mga gatas na napatunayang kontaminado ng melamine.
Maski si Health secretary Francisco Duque ay nagpahayag na ang dalawang gatas na galing China ay inismuggled sa bansa. Ang tinutukoy na gatas ay ang Yili Pure Milk at Mengniu Drink. Nakapasok ang mga gatas na ito sa bansa sa kabila na walang pahintulot ng BFAD.
Talamak ang corruption sa Customs at dapat na magkaroon ng imbestigasyon ang Kongreso at Senado kung bakit nakapasok sa bansa ang mga nabanggit na gatas sa kabila na dapat ay dumaan sa BFAD inspection. Ipatawag ang mga top official ng Customs at gisahin sa smuggling ng gatas na may melamine, Hindi dapat magsawalang-kibo ang mga mambabatas sa isyung ito na ang buhay ng taumbayan ang nakasalalay. Kailangang malaman kung sinu-sino ang mga kasangkot sa pagkakapasok ng mga gatas na kontaminado. Balatan nang buhay ang mga “buwaya” sa Customs!