TALAGANG bagsak na ang ekonomiya ng US kaya naglatag ng bailout plan si President George Bush at kanyang financial experts upang tulungang maitayo ang bankaroteng mga banko, insurance at loan companies at iba pang financial establishments. Subalit, hindi pumasa ang $700 billion bailout plan ni Bush sa House of Representatives.
Maraming nag-akala na ipapasa ng mga kongresista ang bailout plan sapagkat nakiusap nang todo si Bush. Kailangan daw maaprubahan ito ng Kongreso sapagkat maraming negosyo ang magsasara at milyun-milyon ang mawawalan ng trabaho.
Ibinasura ng House ang bailout plan dahil kulang daw sa detalye. Hindi raw ipinaliliwanag kung sinu-sino ang mga tutulungan at kung paano gagamitin ang $700 billion bailout. Dapat daw mabura sa isipan ng mga mambabatas na ang bailout plan ay hindi upang pagkakitaan ng mga malalapit sa gobyerno.
Habang sinusulat ko ang kolum na ito, inaprubahan na ng US Senate ang bailout plan ng Bush administration. Hindi pa ipinaliliwanag kung may binago sa orihinal na $700 bailout plan at kung ano ang nagtulak sa mga senador upang aprubahan ito. Nabanggit na may mga binago sa plano at ang isa na rito ay ang pagtataas ng protection insurance limit para sa mga deposits sa $250,000 mula sa $100,000.
Naalaala ko na para ring style-Pilipinas ang mga senador at mga kongresista rito sa US. Pulitika rin ang nananaig. Hindi kaya may mga “cash-sunduan” din dito ang mga pulitiko para maipasa lamang ang $700 billion. Ang deperensiya, hindi garapal kumilos ang mga pulitikong Kano.
Posible kayang magkaroon din ng bailout plan ang Pilipinas kahit matagal nang bagsak ang ekonomiya rito?