EDITORYAL - Walang napaparusahan kahit may nangyayaring katiwalian
IKA-141st ang Pilipinas sa mga bansang corrupt. At taun-taon ay lalong lumulubog ang kinalalagyan ng Pilipinas dahil sa hindi mapigil na katiwalian sa mga tanggapan ng gobyerno. Wala namang magawang paraan ang gobyernong Arroyo para maparusahan na ang mga opisyal ng tanggapan na sagad na ang katakawan. Hanggang ngayon maraming opisyal ng Department of Agriculture, Department of Education at Department of Public Works and Highways ang nasasangkot sa katiwalian pero hanggang imbestigasyon lamang ang nangyayari. Sandamakmak na ang mga anomalyang nahahalungkat ng Commission on Audit (COA) sa tatlong nabanggit na departamento pero walang opisyal na mapatalsik sa puwesto.
Pinakamatindi ang anomalya sa Department of Agriculture kung saan sinabi ng COA na mahigit P400 million ang naibigay ng departamento sa maraming private foundations. Isa sa mga foundations ay nabigyan umano ng P147 million noong 2007 at karagdagang P30 million noong nakaraang February. Mas matindi umano ang anomalyang ito kaysa fertilizer scam noong 2004 na si Usec Jocjoc Bolante umano ang nagmaniobra.
Nahalungkat din ng COA ang P1 billion na halaga ng mga computers equipment, textbooks, silya, at iba pang school supplies subalit hindi naman napakinabangan at nasira o nabulok lamang ang mga ito. Habang marami ang mga estudyanteng naghihiraman ng libro, may mga nabubulok naman palang textbooks sa mga bodega ng DepEd. Kamakailan, naiulat na kulang na kulang sa silya ang mga pampublikong eskuwelahan pero ang masaklap may mga nabubulok at nasisira rin lamang sa mga warehouse. Ang nakatatawa, pilit namang ipinaggigii- tan ng DepEd ang pag CyberEd project kung saan ay marami raw mapapakinabang ang mga estud- yante sa larangan ng computer.
Ang Road Board na project ng DPWH ay isa rin sa nahalungkat ng COA. Grabe ang batikos sa project sapagkat walang makitang mga kalsada na pinondohan nang pagkalaki-laki.
Umaalingasaw ang anomalya at nakasusulasok ang amoy baho ng mga departamentong nahalungkat ng COA. Pero sa kabila na nahalungkat, wala namang ginagawa ang kasalukuyang adminis- trasyon para maparusahan ang mga kasangkot. Walang aksiyon ang Arroyo administration para mawakasan ang katiwalian.
- Latest
- Trending