Kailan babalik?
Kailan babalik ang kapayapaan
Sa isang bahagi nitong kapuluan?
Ang pag-asang ito’y naging katanungan
Sapagka’t magulo ngayon sa Mindanao!
Dati-rati naman ang naturang pook
Palaging tahimik walang naghahamok;
Subali’t sa ngayon ay naging marupok
Ang kapayapaang kaloob ng Diyos!
Noo’y nag-aaway Krist’yano at Muslim
Subali’t madaling napapayapa rin;
Natatanto nilang dapat magkapiling
Ang magkakapatid sa isang layunin!
Subali’t sa ngayon doo’y naririnig
Marahas na pwersa ng magkakapatid
Magkasama sila ay nagdalwang banig
Kaya buong bansa ngayo’y nayayanig!
Ang putok ng kanyon at bagsak ng bomba
Pinupuksa nito’y sampung mag-aama;
Bata at matanda’y umiiwas sila
Sa putok ng baril at tama ng bala!
Mga mamamayan sa nasabing lugar
Naghahanap ngayon ng kapayapaan;
Pakiramdam nila sila’y nahiwalay
Sa dalawang pulong dati ay karamay!
Umaasa silang Luzon at Visaya
Ay kasama nila sa lungkot at saya;
Sa totoo lamang ito ang s’yang tama
Pagka’t ang Mindanao kabilang sa bansa!
Ang kapayapaa’y di dapat nawasak
Kung ang bawa’t isa ang adhika’y tapat
Ang pamahalaan at ang kumaliwa’y
Naghari sa puso’y damdaming marapat
Kaya tingnan natin ang mga kapatid
Na ngayon ay hirap dahil nagtitiis;
Tayong naririto sa parteng tahimik
Ipagdasal nating ligaya’y magbalik!
- Latest
- Trending