Katiwalian sa taas ng tatlong sangay

HINDI kataka-taka na ang napapanood nating katiwalian ngayon ay hindi sa paanan ng burokrasya kundi sa tuktok ng tatlong sangay ng gobyerno.

Sa Ehekutibo pilit ibinabaon ang $330-milyong overpriced ZTE broadband deal, pero meron pa palang minahan ang kompanyang Tsino sa Diwalwal at North Davao. Nariya’t itatapon na ng Amerika si Jocjoc Bolante kaya nagpo-problema ang Malacañang kung paano ito paiiwasang magsalita tungkol sa P728-milyong fertilizer scam. At hinihintay kung kakayanin ng Commission on Audit ang pressure ng Malacañang para itago ang final report tungkol sa P2 bilyong swine scam.

Sa Lehislatura, naglulundagan nang parang matsing ang mga maka-admin na senador at kongresista dahil ni-release ng Department of Agriculture ang P2.6-bilyong budget insertions para sa farm-to-market roads. Dahil pinagko-komisyunan ang pondo nang 10 hanggang 50 percent, tinatawag itong farm-to-pocket projects.

Sa Hudikatura, sinibak ang isang mahistrado ng Court of Appeals, sinuspinde ang ikalawa, sinabon ang dalawa pa, at binalaan ang ikalima dahil sa katiwalian sa kasong Meralco vs GSIS. Mabilis at mabigat ang pag-disiplina sa kanila ng Korte Suprema. Pero umaangal ang ilang abogadong senador na pinalusot ng Korte sa gusot si Jesus Santos, abogado ni First Gentleman Mike Arroyo na nag-udyok kay PCGG chairman Camilo Sabio na panghimasukan ang kasong hawak ng kapatid na Justice Jose Sabio.

Bakit talamak na ang katiwalian hanggang sa itaas? Dalawa ang sanhi: Ang sistema at ang namumuno rito.

Bulok ang sistema. Hawak ito ng iilang mayayaman at malakas — na kontra sa reporma. Maraming batas pero hindi natu­tupad dahil mahina o tiwali mismo ang nasa itaas. Imbis na ayusin ang sistema, sinasamantala ang kahinaan nito.

Hindi kataka-taka na si Gloria Arroyo ang pinaka-kinasu­suklaman na Presidente. Batid ng madla na lumubog ang bansa sa ilalim niya, at ni hindi tiyak kung siya ang nanalo sa halalang 2004. Hinusgahan na siya.

Show comments