EDITORYAL - Linisin nang todo ang Court of Appeals

GANITO ang nakasaad na desisyon sa pag­ka­kasibak kay Associate Justice Vicente Roxas ng Court of Appeals: “for violations of the Canons of the Code of Judicial Conduct, grave misconduct, dishonesty, undue interest and conduct prejudicial to the best interest of the service.” Malaking kahi­hiyan ang idinulot ni Roxas sa Court of Appeals (CA). Naging marungis ang tingin ng taumbayan sa CA at walang nakakaalam kung kailan maibabalik ang pagtingin dito. Sinibak sa puwesto si Roxas dahil sa bribery charges kaugnay ng pinaborang desis­yon sa Meralco dispute. Bukod kay Associate Justice Vicente Roxas, sinuspinde naman ang isa pang justice kaugnay ng pinaborang kaso. Nakasaad sa pagkakasibak kay Roxas: Nakakahiya ang nangyari kay Roxas na ang buong CA ay kanyang kinaladkad sa dungis ng kontrobersiya. Dahil sa ginawa ni Roxas, nawalan nang saysay ang kanyang pama­malagi nang matagal sa serbisyo. Pati ang kanyang separation pay ay hindi na niya mapapakinabangan dahil sa kanyang ginawang kasalanan. Imagine, gumugol si Roxas nang matagal na panahon para makuha ang kanyang respetadong posisyon at sa isang iglap ay mawawala lamang.

Batik sa appellate court ang ginawa ni Roxas at marahil ay hindi ito malilimutan ng mamamayan na nagmamasid sa nangyayari sa bayan. Nalantad na ang tunay na kulay na ang mga iginagalang na justice ay hindi mapagkakatiwalaan.

Ang ginawa ni Roxas ay nakadismaya sa kanyang mga kasamahan kaya isang kasunduan ang kanilang ginawa kamakalawa para maibangon ang appellate court. Nangako ang 17 justices ng CA na ibabangon nila ang nadungisang pangalan. Lumagda ang mga justices sa isang kasunduan para sa tuluyang pag­babago at paglilinis ng appellate court. Patutunayan daw nila na mali ang unang impresyon na sila ay marumi. Ilan lamang daw ang may bahid sa kanila at patutunayan nila ang integridad sa sambayanan. Magkakaisa raw sila sa pagpapataw ng hustisya at pagpanig sa katotohanan.

Sana nga ay magkaroon ng katotohanan ang kani­lang pangakong pagbabago at paglilinis sa CA. Nara­rapat lamang na maibalik ang tiwala ng taumbayan sa kanila. Hindi sana pakitang tao ang gagawin nilang pagbabago at paglilinis.Tuparin sana ang pinagka­sunduan ng 17 justice at hindi mauwi sa salita lamang. Ipakitang mayroon silang isang salita.

Show comments