KASO ito ng mag-asawang Val at Lyn laban sa mag-asawang Frank at Carrie. May kinalaman ang kaso sa isang parselang lupa na may sukat na 380 metro kuwadrado na pag-aari ng mag-asawang Frank at Carrie at kahangga sa norte, silangan at kanlurang bahagi ng ibang lote at sa timog naman ay ng isang sapa. Noong Enero 11, 1993, binili ng mag-asawang Val at Lyn ang isang 200 metro kuwadradong bahagi sa silangan. Binili nila ito sa mag-asawang Frank at Carrie sa halagang P 70,000.
Sa kasulatan ng bentahan, malinaw na nakasulat na dapat maglalaan para kina Val at Lyn ng daanan na dalawang metro ang lapad bilang “right of way” sa may kanlurang bahagi ng lote nguni’t hindi ito kasama sa kasulatan ng bentahan. Noong ibinenta ang lupa, ang sinasabing daanan ay ang sapa at wala pa talagang kalsada para marating nina Val at Lyn ang highway.
Hindi nagtagal, nagpagawa sina Frank at Carrie ng pader sa kanlurang bahagi ng lupa. Sa paniniwalang ito ang dapat magiging daanan na binanggit sa kontrata, pumunta ang mag-asawang Val at Lyn sa barangay at inireklamo ang mag-asawang Frank at Carrie. Wa lang nangyari sa pagpupulong dahil hindi sumipot ang dalawa sa mga pulong na pinapatawag ng barangay bagama’t pag-aari nila ang dalawang loteng katabi nito na may daanan papuntang highway.
Noong Abril 1999, nagsampa na talaga ng reklamo sa korte ang mag-asawang Val at Lyn. Hiningi nila sa korte na ipag-utos sa mag-asawang Frank at Carrie na ibigay sa kanila ang napagkasunduang daanan at tanggalin ang pader na nakaharang doon. Tama ba sila?
MALI. Ayon sa batas, (Art. 1358 Civil Code), ang lahat ng transaksiyon na may kinalaman sa lupa ay dapat na nakasulat. Ang stipulation na pinipilit nina Val at Lyn ay hindi isang transaksiyon ng bentahan ng lupa. Kaya’t kailangan pa ng ibang kasulatan tungkol dito. Kahit pa sabihing nakasulat na dapat bigyan sina Val at Lyn ng daanan ng mag-asawa, ito’y nangangahulugan lang na pwede silang bigyan ng daanan sa pamamagitan ng hiwalay na kasulatan. Isa pa, upang kilalanin ang pagbibigay ng daanan, dapat maparehistro muna ito alinsunod sa batas (Art. 708-709 Civil Code).
Walang karapatan ang mag-asawang Val at Lyn na humingi ng daanan. May mga kondisyon na dapat sundin para sa pagbibigay ng tinatawag na “right-of-way” tulad ng: 1.) ang lupa ay dapat napapalibutan ng mga bagay na di-natitinag at walang madaling paraan upang makarating sa kalsada o highway; 2.) may karampatang bayad sa ibinigay na daan; 3.) ang pagkakakulong ng lupa ay hindi sinadya at hindi kasalanan ng may-ari; 4.) ang ibinigay na daanan ay nilagay sa isang parte na hindi istorbo o pahirap sa pinagkuhanan ng right-of-way; 5.) ang distansiya ng lupa sa kalsada ang pinakamalapit. (Valdez vs. Tabisula, G.R. 175510, July 28, 2008).