MARAMING kulang sa mga pampublikong eskuwelahan sa buong bansa. Lagi namang ganito. Sa kabila na malaki ang nakalaang pondo para sa kagawaran ng edukasyon, hindi mawala ang problema na maraming kulang. At walang ibang apektado sa kakulangan kundi ang mga estudyante mismo. Paano sila makapag-aaral na mabuti kung maraming kulang sa kanilang eskuwelahan?
Isa sa kakulangan sa mga pampublikong eskuwelahan ay mga silya. Nakadidismayang malaman na maski pala sa silya ay malaki ang kakulangan. Ayon sa report ng Department of Education (DepEd), tatlong milyong estudyante sa mga pampublikong eskuwelahan ang walang silya. Imadyinin kung gaano kahirap ang sitwasyon ng mga estudyante kung wala silang silya. Tiyak na ang ilan ay nakatayo sa loob ng isang oras o maaaring nakasalampak sa malamig na semento. Kawawang mga estudyante na pinagkaitan na nga ng mga mahuhusay na guro (nagsisipag-abroad na kasi), kakulangan sa libro at iba pang gamit ay pati pala silya ay pinagkaitan na rin?
Ayon kay DepEd Sec. Jesli Lapus, kahit na raw magkaroon ng increase para sa kanyang kagawaran sa susunod na taon, hindi pa rin ito magiging sapat sapagkat masyadong maraming silya ang kulang.
Katawa-tawa ang nangyayaring kontrobersiya sa DepEd sa kasalukuyan sapagkat ang lagi nang reklamo ng mga magulang at estudyante tuwing umpisa ng school year ay ang kakulangan ng mga classroom. May nagkaklase sa ilalim ng punongkahoy.
Ngayon ay iba na sapagkat ang kakulangan sa silya ang nirereklamo at tila naman mabagal sa pagkilos ang DepEd ukol dito. Hindi naman marahil lubhang mahirap solusyunan ang problemang ito na hindi katulad ng kakulangan ng mga classrooms.
Makakaya ng DepEd ang problemang ito sa pagkat hindi naman gaanong mahirap. At maski nga ang DepEd ay laging sinasabi na isusulong pa nila ang bilyong pisong CyberEducation project. Hindi pa rin daw lubos na nawawala sa isipan na maipursige ang CyberEd na magiging daan para maging computer literate ang mga bata. Pero hindi ba’t ang magandang gawin ay solusyunan muna ang mga nararanasang problema ngayon, lalo na ang kakulangan sa silya.