Ay ano ba nama’t biglang naisipan
Malalaking sweldo’y gusto pang taasan;
Doon sa Kongreso nitong ating bayan
Congressma’t senador ang makikinabang!
Pati raw pangulo ay kasama rito
Pagka’t pati siya’y lolobo ang sweldo;
Mga panukala na katulad nito
Malakas na sampal sa mukha ng tao!
Sa asta ng ating mga mambabatas
Sa malaking swedo’y sila lang ang dapat;
Mga manggagawang sa biyaya’y salat
Hindi naisipang dagdagan ang bayad!
Suweldo ng senador at mga congressman
Sa dami ng project ay nadaragdagan;
Sa maraming pera sila’y nagkakamal
Pero bakit ngayo’y sila pang may angal?
Mga mambabatas buhay ay masaya
May bagyo at baha nag-oopisina;
Mga anak hatid-sundo sa eskuwela
Pagkai’y masarap – libreng gasolina!
Pero papaano mga anak-pawis?
Sa kokonting sweldo sila’y nagtitiis;
Pang-ulam ay tuyo kanin ay hinagpis
Asawa at anak ay nagsisitangis!!
Dapat sa senador at mga congressman
Paggawa ng batas ay mag-isip naman;
Ang sariling kita kung gustong lakihan
Paunlarin muna ating kabuhayan!
Sa ngayo’y tagilid ang lagay ng bansa
Buhay ng mahirap ay lubhang kawawa;
Presyo ng bilihi’y hindi bumababa
Na dapat unahing bigyan ng kalinga!
Kung kaya ang pitak talagang salungat
Sa dagdag na sahod ng nasa higher up;
Dapat na unahi’y sweldo ng mahirap
At hindi ang sweldo ng mayama’t bundat!