NAANTIG umano si Atty. Fernando Perito sa kolum ko tungkol sa gusot sa Court of Appeals. Tinanong ko kasi kung sino o ano ang nagbunsod kay PCGG chairman Camilo Sabio na ipahamak ang kapatid na CA Justice Jose Sabio nang tawagan niya ito para i-lobby ang GSIS sa kaso kontra Meralco. Napahamak, kako, dahil paglabag ito sa Rules of Court, pero hindi ito ni-report ni Jose, kaya nanganganib ang lagay sa CA, na iniimbestigahan ng tatlong retiradong justices ng Korte Suprema.
Simple ang sagot ni Atty. Perito sa tanong ko: Ipa- disbar si Camilo.
Ayon kay Perito, tatlong probinsyon ng (Legal) Code of Professional Responsibility ang nilabag ni Camilo sa pagtawag kay Jose, na noo’y acting chairman ng CA division na dumidinig sa kasong Meralco v. GSIS:
• Canon 13 — Titindig ang abogado sa lakas ng kanyang kaso, at iiwas sa anomang gawi na makaka-impluwensiya, o magpakitang nakaka-impluwensiya sa korte.
• Rule 13.01 — Hindi dapat magkaloob ang abogado ng espesyal na pagtuon o pagkakaibigan, o maghanap ng pagkakataong maging sobrang malapit, sa huwes.
• Rule 13.03 — Hindi dapat pumayag o mag-imbita ang abogado ng panghihimasok ng ibang sangay o ahensiya ng gobyerno sa normal na takbo sa Hudikatura.
Nang usisain ng tatlong imbestigador, anang mga Sabio ay ugali ng magkakapatid na Pilipino na magpakialaman sa kanya-kanyang trabaho upang magbigay ng payo. Ito lang naman daw ang ginawa ni Camilo, na limang taon ang tanda kaysa Jose.
Ani Justice Romeo Callejo, huwag nilang gamiting palusot ang asal-Pilipino sa ano mang kamalian. Labag umano sa batas ang pakikialam ni Camilo, isang tauhan ng Malacañang. Lalo na nga naman dahil may interes ang Palasyo na agawin ang Meralco mula sa angkang Lopez.
Isinampa ni Atty. Perito ang kasong disbarment sa Korte Suprema, na nagdidisiplina ng mga tiwaling abogado.