(huling bahagi)
NAISULAT KO nung Biyernes ang pananambang kay PO3 FERDINAND BAQUIRAN, sa kanyang asawa’t sampung taong gulang na anak na babae. Ang positibong deklarasyon niya sa mga taong nasa likuran nitong malademonyong krimen na ikinamatay ng kanyang asawang si Wilma at anak na si Wendy Faye.
March 28, 2008 ng inihatid ito sa huling hantungan sa Imus Cemetery.
“Naging mahirap para sa akin ang pagtanggap na wala na ang asawa ko at ang panganay kong anak. Awang-awa ako sa dalawa ko pang natitirang anak. Lalaki silang kulang ang pamilya namin. Ipinangako ko sa sarili ko ibibigay ko ang hustisya para sa mag-ina ko,” ayon kay PO3 Baquiran.
April 2006 nagfile ng kasong 2 Counts of Murder and Frustrated Murder si PO3 Baquiran sa Cavite Prosecutor’s Office.
Nagkaroon kami ng pagkakataon upang mabasa ang nakapaloob sa mga kontra salaysay ng mga taong positibong itinuro ni PO3 Baquiran na nagpaulan ng bala sa kaniya at kaniyang mag-ina.
Ayon kay Magno Dino o mas kilala sa tawag na Jun Dino ay idinidiin lamang siya ni PO3 Baquiran dahil sa pulitika sapagkat nung tumakbo bilang kagawad si Jun ay pinipipilit siya ni Kapitan Malimban na tumakbo sa partido nito pero hindi ito nangyari at sumama si Jun sa line-up ng kalabang partido ni Kapitan.
Ayon pa kay Jun na nung March 19, 2006 kung kailan nangyari ang insidente ay kasama niya ang kaniyang mga kaibigan na sila Ruelito Benensen at Renelito Montoya at silay nag-iinuman mula alas kwatro ng hapon hanggang alas diyes ng gabi.
Sabi naman ni Eric Dino na nung mga oras na tinambangan ang pamilya ni PO3 Baquiran ay nasa Maynila siya sa inuupahang bahay sa Tandang Sora, Quezon City at halos hindi na siya umuuwi sa kanilang lugar may permanenteng trabaho siya bilang family driver sa Maynila.
Nakapaloob naman sa kontra salaysay ni Edwin Dino na imposible na nakita siya ni PO3 Baquiran na isa sa mga namaril sa kanila dahil buong maghapon hanggang gabi nung araw na yun ay kasama niya ang kanyang asawa at anak sa bahay ng kanyang biyenan sa San Nicholas St., Poblacion I, Maragondon, Cavite. Nakaugalian na nila itong gawin tuwing Sabado at Linggo na sila umuuwi.
Ayon naman kay Elmer Dino na wala siya sa Maragondon nung nangyari ang insidente dahil nung araw na yun pagkatapos niya magtanghalian ay umakyat na kaagad siya sa bundok na kanyang sinasakahan sa Sapang I Ternate, Cavite. Nasa bundok siya mula hapon hanggang hating gabi.
Dalawa pa sa kinasuhan ni PO3 Baquiran ay sila Rodolfo Dino at Ricardo Dino.
Sabi ni Rodolfo Dino na nung araw na pinagbababaril sila PO3 Baquiran ay nung alas tres ng hapon ay nagsimba sila sa Naic, Cavite kasama ang kaniyang asawa na si Socorro Dino at anak na si Indang. Hindi nila natapos ang misa dahil sumakit ang tiyan at dibdib ng kanyang asawa kaya dinala nila ito sa Holy Spirit Medical Clinic. Nakaalis sila ng ospital ng bandang ala syete ng gabi.
Ayon naman kay Ricardo Dino na kaya lamang sila idinidiin ni PO3 Baquiran ay dahil sa ‘di pagkakaintindihan sa pulitika dahil tumakbo ang pamangkin niya na si Magno “Jun” Dino sa kalabang partido ni Kapitan Malimban.
Ayon naman sa isang salaysay ng isang Marilou Causapin asawa ng napatay na si Serapio Casal na magkaibigang matalik si Elmer Dino at ang kanyang asawa. Umaga ng March 19, 2006 ay nakita niyang magkasama at nakatambay ang dalawa. Mula nun ay hindi na umuwi ang kanyang asawa at kinabukasan nabalitaan niya nalang na patay na ito dahil sa isang barilan.
Ayon kay PO3 Baquiran na tuwing nalalasing ang Dino Brothers ay sinasabi nila na hindi sila malalabasan ng warrant of arrest dahil merong promoprotekta sa kanila.
SA PRELIMINARY INVESTIGATION mas binibigyan ng diin ang positibong deklarasyon ng isang tao na nandun sa Kinaganapan ng krimen kaysa sa alibi at denial lamang. Naglakas loob na magtungo ni P03 Baquiran sa aming tanggapan at programa sa radyo dahil nabibinbin ang paglabas ng resolusyon sa kasong pagpatay sa kanyang mag-ina at pananambang sa kanya. Sa agarang aksyon na ibinigay ng aming programa sa kanya at sa tulong ni Sec. Raul Gonzalez ng DOJ, nalabasan ng warrant of arrest ang mga Dino brothers. Sila ngayon ay pinaghahanap ng mga alagad ng batas upang panagutin sa krimen na Double Murder at Frustrated Murder.
Nakipag-ugnayan kami sa tanggapan ni Director Ricardo Padilla ang Regional Director ng Region IVA at ni P/SR.SUPT Charles Calima upang mahuli ang mga ito.
Mga mammababasa ng “CALVENTO FILES” maaring sabihin ng iba na hinanap ni P03 Baquiran ang problemang ito ng siya ay basta pumasok sa isang teritoryo upang agawin ang pagpapaputol at pag-ani ng mga kahoy. Ito ay nagawa niya dahil naman naatasan siya ng may-ari ng lupa. Lumalabas na matagal na ring nagtatanim ang mga nandun at pinakikinabangan ang lupain at hindi basta na lamang isusuko o ibibigay ang kanilang kinabubuhay na ganun na lamang. Matapos sabihin yan, sa ganang akin, walang kapatawaran ang ginawang pananambang sa kanya, sa kanyang asawa at higit sa lahat sa kanyang sampung taon na anak na babae. (KINALAP NI JONA FONG)
PARA SA MGA biktima ng krimen, karahasan o legal problems maari kayong magtext sa 09213263166 o sa 09198972854, Maari din kayong tumawag sa 6387285. Ang aming tanggapan ay matatagpuan sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
NAIS pasalamatan ang Chief ng Investigation Section ng San Pedro PNP na si SPO2 Larry Cabrera at si SPO1 Dionisio Loyola para sa kanilang tulong sa isang taga Laguna na lumapit sa aming tanggapan. Mabuhay kayong dalawa. Sigurado kong ipagmamalaki kayo ng bago ninyong Hepe.
Email: tocal13@yahoo.com