August 28, 2008 | 12:00am
SA September 1 ay ipatutupad na ng Department of Foreign Affairs ang pagsasailalim sa psychiatric test sa mga domestic helper na mag-aaply sa ibang bansa. Ang psychiatric test umano ay lubhang kailangan para mabawasan ang lumalalang welfare cases na ang kasangkot ay mga Pinay domestic helpers. Sabi pa ng DFA para na rin sa kabutihan ng Pinay DHs ang pagsasailalim sa psychiatric test sapagkat magsisilbi itong protection sa kanila lalo pa’t marami sa kanila ay dumadanas ng pang-aabuso ng mga amo. Kabilang sa mga nagsulong na isailalim sa psychiatric test ang mga aplikanteng DH ay si Vice President Noli de Castro at Foreign Undersecretary Esteban Conejos.
Maliwanag na ibig makatiyak ang DFA na ang mga Pinay na magdi-DH sa abroad ay hindi masasangkot sa mga malalagim na pagpatay o di kaya’y mga gawaing nagpapakita na tila nasisiraan ng bait ang DH. Ibig ng DFA na ang lahat nang aalis na DH ay makitang walang indikasyon na masisiraan ng bait habang nasa ibang bansa, o sa mas madaling maintindihang lengguwahe kailangan ay walang “sayad”. Marami nang mga kaso na nakapatay ng amo ang mga Pinay DH at mga halimbawa rito ay sina Flor Contemplacion, Sarah Balabagan at marami pang iba. Kamakailan lang, isang Pinay DH sa Kuwait ang pinatawad ng hari roon. Binabaan ang kanyang sentensiya dahil sa pagkakapatay sa amo.
Ang bagong patakaran ng DFA ukol sa psychiatric test ay impraktikal. Bakit kailangang isailalim pa sa psychiatric test ang isang paalis nang Pinay DH para lang makatiyak na hindi masasangkot sa malalagim na kaso gaya ng pagpatay. Hindi ang pagsasailalim sa psychiatric test ang dapat na inisip ng DFA o maski nina Vice President De Castro kundi kung paano mapipigilang magtrabaho ang mga DH sa ibang bansa particular sa Kuwait na marami nang inabusong Pinay. Sa tindi ng pang-aabuso ng mga Kuwaiti o maski mga Saudi sa Pinay DH, kusa silang bumibigay. Kakaiba ang nararanasan nilang pagmamalupit na magdudulot ng pagkasira ng kanilang katinuan.
Kung makalilikha nang maraming trabaho ang gobyerno gaya ng pinangako ni President Arroyo sa kanyang SONA noon, hindi na aalis ang mga Pinay para magpapaalila na sa dakong huli ay pagsasaman talahan lamang ng manyakis na employer. Hindi psychiatric test ang solusyon sa problema.