NAGPAKITA na rin lang ng pangil sa mga congressmen na may plakang “8” si Land Transportation Office (LTO) chief Alberto Suansing, dapat na rin naman niyang baklasin ang mga plakang ibinibenta ng kanyang tanggapan o ang tinatawag na “vanity plates”. Hindi maganda ang kalalabasan ng kanyang paghihigpit sa mga congressmen na may plakang “8” kung naglilipana rin naman sa kalye ang mga kung anu-anong plaka na nagsisimbolo lang naman ng kayabangan ng mga motorista. Dito lang yata sa Pilipinas nag-iisyu ng kung anu-anong plaka na wala namang maihatid na kagandahan.
Matapang si Suansing at maaaring kakaiba siya sa mga nakaraang pinuno ng LTO. Siya lang ang nagkalakas ng loob na i-recall ang mga plakang “8” at lantarang sinabihan si House Speaker Prospero Nograles na imbestigahan ang kanyang mga miyembro na naisyuhan ng kontrobersiyal na plaka. Nag-ugat ang pagbabanta ni Suansing na aalisin ang mga plakang “8” makaraang makasagasa ang isang sports utility vehicle (SUV) ng dalawang guwardiya noong nakaraang linggo sa North EDSA, Quezon City na ikinamatay ng isa. Umano’y pag-aari ni Caloocan City Rep. Oscar Malapitan ang SUV na may plakang “8”. Napag-alaman na apat na set ng plakang “8” ang iniisyu sa mga congressmen. Ang pag-iisyu ng plakang “8” sa mga congressmen ay ipinag-utos ni President Arroyo noong 2005 sa ilalim ng Executive Order 400.
Kung magtatagumpay si Suansing na mabaklas ang mga plakang “8”, malaking karangalan ito para sa kanya sapagkat mababawasan ang mga motoristang nagyayabang sa lansangan gamit ang plakang “8”. Subalit hindi lamang dapat sa mga plaka ng congressmen tumutok pa si Suansing kundi pati na rin sa mga “vanity plates” na iniisyu mismo ng kanyang tanggapan.
Ang mga “vanity plates” na inaadvertise pa ng LTO sa Internet ay nagkakahalaga ng P10,000 hanggang P50,000. Bukod sa “vanity plates” na iniisyu mayroon pang tinatawag na “commemorative plates” na nagkakahalaga naman ng P15,000 hanggang P25,000.
Hahanga lalo kami kay Suansing kung titigilan na ng kanyang tanggapan ang pag-iisyu ng kung anu-anong plaka na pawang kaek-ekan lang naman at nagdadagdag lamang ng yabang sa motoristang bumibili. Dapat pantay-pantay lang sa lansangan ang mga motorista.