WALANG makitang magandang dahilan kung bakit kailangan pang isyuhan ng plakang “8” ang mga miyembro ng House of Representatives. Para ano at kailangan pang magkaroon ng plaka ang mga hinalal ng taumbayan. Serbisyo ang hinihingi sa kanila at hindi yabang na ibinabando ng plakang “8”.
Makatuwiran lang ang balak ni Land Transportation Office (LTO) chief Alberto Suansing na alisin na ang plakang “8” na nakaisyu sa mga miyembro ng House of Representatives. Siguro’y hindi na masikmura ni Suansing ang mga batikos laban sa mga mambabatas kaugnay ng pagkakasangkot ng plakang “8” sa maraming aksidente sa kalsada. Ang balak na pag-aalis sa plakang “8” ay kasunod ng pagkakasagasa ng isang sport utility vehicle na may plakang “8” plate sa dalawang security guard na ikinamatay ng isa. Ayon sa report, ang SUV ay pag-aari umano ng anak ni Caloocan Rep. Oscar Malapitan. Nasagasaan ng SUV ang dalawang guard sa North EDSA noong Agosto 17.
Ayon kay Suansing, dapat kumilos si House Speaker Prospero Nograles sa kaso ngayong naiha yag na ang may-ari ng SUV ay anak ng congressman. Ang pag-iisyu ng plakang “8” sa congressmen ay ipinag-utos ni President Arroyo noong 2005 sa ilalim ng Executive Order 400. Ang mga senador at congressmen ay iniisyuhan ng apat na sets ng plaka.
Inaabuso ang paggamit ng plakang “8” plate nararapat lamang baklasin na. Ginagamit lamang ito para makapagyabang. Kung apat na sets ang iniisyu sa mga mambabatas, maaaring gamitin ito ng kanilang mga anak o kamag-anak. Ginagamit na pantakot ang plakang “8” sa traffic enforcers na huhuli sa kanila sakali at nakagawa ng traffic violations. Sino nga naman ang huhuli sa sasakyang may plakang “8”?
Hindi lahat ng mga miyembro ng House ay disiplinado at marunong sumunod sa batas. Mayroong sagad sa ulo ang yabang at ginagamit ang kapangyarihan para maging hari sa lansangan.
Hindi dapat ipagyabang ng mga halal ng bayan ang plakang “8”. Ang tungkulin nila kaya nasa pu westo ay para gumawa ng batas para sa ikauunlad ng mamamayan. Hindi kailangan ang plakang “8” sa paglilingkod.
Matutuwa ang sambayanan kung babaklasin na ni Suansing ang mga plakang “8” at saka sunugin.