PAANO NA ANG HAMON NG BUKAS KUNG wala na ang taong iyong sinasandigan? Hihiga ka ba lamang at hahayaan dumaan ang mundo at ang panahon? O ipagpapatuloy mo ang laban ng nag-iisa, kaibigan?
Ito ang tanong sa kwento na dala ni Nory Oliver nung August 7, 2008 tungkol sa nangyari sa kanyang asawa na si Rogelio Oliver, isang family driver.
June 3, 2008 ng mangyari ang insidente na halos magpabagsak ng buhay ni Nory na parang gusto na niyang sabihin, “ayoko na, suko na ko!”
Alas singko y media ng umaga ng umalis si Rogelio papasok sa kanyang trabaho sa Pasig City sakay ng kanyang motor.
“Paguwi ko sa bahay ng ala sais ng umaga ay nakatanggap ako ng text mula sa cell phone ni Rogelio. Nagulat ako sa nabasa ko ang sabi “Pumunta ka dito sa Salve Regina Hospital kasi nandito yung asawa mo.” kwento ni Nory.
Agad na pumunta si Nory sa nasabing ospital kasama ang kanyang kumare na si Sonya Tubil. Nakita kaagad ni Nory ang walang malay niyang asawa.
Ayon sa sinumpaang salaysay ni Namie Leano na nakasaksi ng pangyayari; “Mula sa aking likuran biglang nag-overtake ang isang pampasaherong jeep na may plate no. na TXH-114. Ang nasabing jeep ay napakabilis at nakita ko na nasagi niya si Rogelio. Nakita kong pumalo ang kanyang ulo sa sementadong kalsada at nabasag ang kanyang helmet. Mabilis na tumakas ang jeep na nakabangga sa kanya kaya hinabol ko ang nasabing jeep para makuha ang plate number at tinandaan ko din ang mukha ng driver.”
Kinailangan i-CT Scan si Rogelio upang matingnan ang kanyang ulo.
Ayon kay Nory ay naka-dextrose lang ang kanyang asawa dahil kulang sa mga kagamitan ang nasabing ospital. Hindi daw ito binigyan ng gamot dahil walang dalang pera si Nory pero nagmakaawa siya at sinabing bigyan na ng gamot ang kanyang asawa at may pera si Rogelio sa bulsa na P2,700.
“Hindi nila ako pinakinggan sa pakiusap ko kaya tinawagan ko ang amo ni Rogelio na sila Francis Horn at Alma Horn. Agad namang dumating ang kapatid ni Ate Alma na si Luz Danggoy. Nagdesisyon si Ate Luz na ilipat nalang si Rogelio sa Quirino Memorial Hospital,” sabi ni Nory.
Apat na araw inobserbahan si Rogelio. June 7, 2008, alas tres ng hapon ng nagkaroon siya ng lagnat at hindi ito bumababa. Tumaas at baba din ang kanyang dugo.
Hindi na rumesponde ang katawan ni Rogelio sa ginawa ng mga doktor. Sabi nila na hintayin nalang na maubos yung mga gamot hanggang sa mawalan si Rogelio ng hininga dahil wala na talagang pag-asa at artificial life nalang ang meron si Rogelio.
Alas otso ng gabi ng bawian ng buhay si Rogelio. Inuwi ito sa kanilang bahay at dun ibinurol.
June 4, 2008 nag-file na ng reklamo sa pulis si Nory at napag-alaman nila na ang mag-asawang Butch Buenavides at Thelma Buenavides ang may-ari ng jeep. Pinuntahan ang mag-asawa sa kanilang bahay sa Louisville, Antipolo City. Kinuha ang jeep at inimpound. Hinuli ang driver na si Joseph Ian Tarnate.
“Hanggang ngayon ay nakakulong pa rin si Ian. Ayaw kaming kausapin ng operator ng jeep dahil sabi nila hindi nila sagot ang mga damage sa amin dahil involved lang daw ang jeep nila at yung driver lang ang may kasalanan. Ibibigay daw nila sa amin yung 30 percent lang ng P100,000 na insurance ng jeep pero kailangan naming pumirma sa affidavit of desistance,” kwento ni Nory.
Nakipag-ugnayan kami kay Deputy Commissioner Vida Chiong ng Insurance Commission at nangako naman siyang tutulungan niyang makuha ng pamilya ni Nory ang P100, 000 na insurance ng jeep.
Binigyan din namin siya ng referral kay Atty. Vilma Mendoza ng Public Attorney’s Office ng Antipolo City para mabigyan ng legal assistance para sa anumang kasong criminal o sibil laban sa driver at operator ng jeep,
PARA SA MGA biktima ng krimen, karahasan o legal problems maari kayong magtext sa 09213263166 o sa 09198972854, Maari din kayong tumawag sa 6387285. Ang aming tanggapan ay matatagpuan sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Email address: tocal13@yahoo.com