ANO ang naisip ng Shell at Total at nagtaas ng P1.50 sa presyo ng diesel nitong nakaraang linggo? Siguro para patunayan na talagang kulang pa rin ang kinikita nila dahil sa mga nakaraang pagtaas ng presyo ng langis sa pamilihang pandaigdig, at para ipakita na rin na walang kinalaman ang SONA sa pagbabago ng presyo.
Hindi naman sumunod ang mga ibang kompanya tulad ng Caltex at Petron, pati na mga maliliit na kumpanya. May nagpakarga pa kaya sa Shell at Total noong nakaraang linggo? Nabawi naman kaya nila ang mga “underecovery” na iyan?
Sa panahon ngayon, ang tanging magkukumbinse sa ordinaryong mamamayan kung saan niya gagastusin ang pinaghirapang pera ay doon sa mas mababa ang presyo. Kaya kung may mga gasolinahan na hindi nagtaas ng presyo, sigurado ako doon magpapakarga ng fuel ang motorista. Ang tanong, kailan naman bababa ang presyo?
Pinaka mababa ang presyo ng langis sa loob ng tatlong buwan. Nasa $123 kada bariles na. At ayon din sa isang hepe ng OPEC, maaari pang bumaba sa mga $70-80 kada bariles kung wala nang ikababahala sa bansang Iran. Parang ang tagal na nang ganyan ang presyo ng langis sa mundo!
Pero sigurado ako, magiging mabagal pa sa takbo ng pagong ang pagbaba ng presyo ng gasolina at diesel! Ganyan kaganda ang negosyong petrolyo. Kaya naman ganyan mamuhay ang mga bansang nagbebenta ng langis sa mundo, lalo na ang mga Arabong bansa na halos nakabalot na ng ginto!
Kung sakali ngang bumaba ang presyo sa $70-80, maging maganda pa kaya ulit ang ekonomiya? At ang mga ibang krisis na sumunod sa pagtaas ng presyo ng langis tulad ng bigas, mawawala na rin kaya? Nasa sa ating mga kamay naman talaga ang pagpapaganda ng ekonomiya. Kung mananatili tayong matipid pa rin sa gasolina kahit bumaba na ang langis, may pera tayong ng maitatabi para sa kinabukasan. Ang mahirap kasi, may ugali tayo na komo nakatipid sa isang bagay, lulustayin naman sa iba! Kaya kadalasan, walang naiipon. At kapag kailangang-kailangan na ang pera, halimbawa para sa sakit, wala nang mahagilap!
Magtipid pa rin sa gasolina kahit bumaba pa sa P35 ang gasolina at P29 ang diesel. Huwag nang hintayin ang krisis para magtipid. Baguhin na ang mga ugali. Merong mga pulitiko diyan na walang pakialam sa kapakanan ng bansa. Puro pagpapayaman ang naiisip.