MARAMI akong nakausap na Pilipino-Americans dito sa United States at karamihan sa kanila ay hindi na naniniwala sa sinasabi ni President GMA sa kanyang State of the Nation Address (SONA). Hindi na sila naniniwala sa mga papuring binabangit ni GMA sa kanyang administrasyon. Pare-pareho raw na pagbubuhat ng bangko ang binabanggit sa SONA. Hindi raw talaga nito sisiraan ang mga ginagawa niya. Marami rin daw pangako pero napapako naman.
Hindi masisisi ang mga Pil-Ams kung bakit hindi na sila naniniwala sa SONA. Mahirap talagang itago ni GMA ang tunay na kalagayan ng Pilipinas. Hindi na bumuti ang kabuhayan ng mga Pilipino mula nang siya umupo. Sa halip umasenso ang pamumuhay ng mga Pinoy lalo pang nagkabaun-baon sa hirap.
Kalabisan na ang pagtatanghal ng SONA ni GMA. Mga bola rin naman ang mga pinagsasasabi niya. Milyong piso ang matitipid kung hindi na magso-SONA. Hindi na rin masasayang ang oras ng mga senador, kongresista, opisyal, empleado ng gobyerno at pati mga estudyante na kailangang suspendihin ang klase dahil may mga rally.
Tama lamang ang opinion ng Pil-Ams na hindi na sila naniniwala sa SONA. Talagang pagsasayang din ng pera at oras ang pag-uulat na ito ni GMA. Tama na ang paglulustay ng salapi para lamang makinig sa sasabihin ni GMA na hindi naman ang tunay na kalagayan ng bansa ang sinasaad. Sana naman, pawang katotohanan na ang manaig.